Hirap dahil walang tiwala sa sarili… Tips para magkaroon ng self-confidence
- BULGAR
- Sep 10, 2023
- 3 min read
ni Jenny Rose Albason @Gulat Ka 'No?! | September 10, 2023

Marami sa mga kabataan ngayon ang walang kumpiyansa sa kanilang sarili.
Napakaimportante nitong mabuo upang maging handa silang harapin ang mundo sa sarili nilang mga paa.
Importante itong talakayin, dahil malaki ang maitutulong nito sa kanila, upang mapagtagumpayan nila ang anumang pagsubok sa buhay, dahil ang mga taong mayroong matibay na self-confidence ay ‘di takot sumubok ng mga bagong bagay.
Lingid din sa inyong kaalaman, maraming bagay ang maaaring maging dahilan upang mawalan ng self-confidence ang isang tao. Ito ay karaniwang nahuhubog dahil sa family life, mga bagay na maaaring naranasan nila noong sila ay bata pa at iba pang mga karanasan sa buhay. Bukod pa rito, maaaring makaapekto rin ang genetics sa confidence ng isang tao.
Nais mo rin bang maging mas confident? Don’t worry, dahil naghanda kami ng mga tips na maaaring makatulong sa iyo.
BE PROUD OF SMALL THINGS. Ang mga taong may self-confidence ay naniniwala sa kanilang goals sa buhay, upang maging kaisa sa kanila gumamit ka ng isang journal at dito mo isulat ang lahat ng gusto mo. I-celebrate mo ang lahat ng iyong tagumpay, gaano man ito kalaki o kaliit. Ang bawat tagumpay natin ay makakatulong upang mas tumaas ang tiwala natin sa ating sarili.
HUWAG MANGHUSGA. Ang panghuhusga sa ibang tao ay nangangahulugan na mayroon silang isang bagay na wala sa iyo. Sa halip na manghusga, subukan mong hanapin ang mga bagay na nagiging dahilan kung bakit sila espesyal at gumawa ka ng paraan upang magkaroon ka rin nito. Ang bawat tao ay may natatanging talento na maaari nilang ibahagi sa mundo. Isipin mo na lang na ang taong hinuhusgahan mo ay maaaring wala ring self-confidence. Ang panget naman nu’n, ‘di ba? Nanghawa ka pa ng negativity.
‘WAG IKUMPARA ANG SARILI. Sa halip na mainggit sa progress ng iba, mas mabuting magpokus sa sarili mong progress. Bakit? Hindi ito makatutulong dahil lalo lang itong magpapababa ng confidence mo. Sa halip, bigyang-pansin mo ang iyong strength at weaknesses para malaman kung paano pagbubutihin ang mga ito.
SPEAK-UP. Ang mga taong may self-confidence ay hindi natatakot na magsalita at ipahayag ang kanilang mga opinyon. Kung mayroon silang importanteng bagay na ibabahagi, ginagawa nila ito nang may kumpiyansa, at hindi sila natatakot na magkamali. Sa halip, ginagamit pa nila ang feedback ng ibang tao bilang paraan upang mas matuto.
MATUTONG MAKINIG. Makakakuha ka ng bagong impormasyon sa pamamagitan ng pakikinig sa iba, lalo na sa mga taong may karanasan sa buhay. Maaari kang matuto ng mga bagong kasanayan at palawakin ang iyong kaalaman na maaaring magpataas ng iyong confidence level.
TANGGAPIN NA OKEY LANG ANG MAGKAMALI. Hindi natatakot na magkamali ang mga taong may self-confidence. Sa halip, tinitingnan nila ito upang mabigay sila ng oportunidad para mas matuto mula sa kanilang pagkakamali. Sa tuwing, nagkamali sila sa isang bagay, naghahanap sila ng paraan upang mas mapabuti pa sila sa hinaharap. Tanggapin natin ito dahil kahit na angmga taong confident ay nagkakamali rin.
MAG-EXERCISE. Hindi tuwing trip mo lang, ha? Dapat tayong mag-ehersisyo nang regular nang sa gayun ay ma-set ang ating sistema at mood. Nakatutulong ang pag-e-exercise sa pagkakaroon ng clear goals at isipan. Tara na at tanggalin ang mga taba at negativities sa katawan
Reminder lang mga ka-BULGAR, lahat tayo ay maaaring matuto kung paano maging confident sa iba’t ibang paraan. ‘Ika nga, ‘what may work for some may not work for all,” at okey lang ‘yun.
Sabay-sabay nating gawin ang ilang tips na ito nang sa gayun ay mabalewala ang standards ng lipunan at mas maraming tao ang maging confident.
Ayos ba?
Comments