ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 26, 2021
Pinoy nurses palit bakuna.
Ito ang alok ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa United Kingdom at Germany upang makakuha ng COVID-19 vaccine na gagamitin para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na na-repatriate at made-deploy sa ibang bansa.
Sa proposal ng DOLE, hinihiling ng UK at Germany na tanggalin ang cap sa pagtatalaga ng health workers na nasa 5,000 at para mangyari ito, hiniling sa nasabing mga bansa na magpadala ng mga bakuna para sa Pilipinas.
Ngunit sa halip na suportahan, agad na umalma ang ilang grupo ng nurses at ilang mambabatas.
Giit ng grupo ng nurse, masama ang kanilang loob dahil tila naging kalakal o barter sila para sa bakuna. Dagdag pa ng isang mambabatas, hindi dapat ipinagpapalit ang mga tao para sa produkto.
Samantala, nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi sila kinonsulta ng DOLE sa naturang panukala at walang pormal na impormasyon na ipinarating sa kanila.
Bagama’t kailangang-kailangan ng bansa ang bakuna, ang tanong, kailangan ba talagang umabot sa punto na ipagpalit natin ang ating health workers para rito?
At isa pa, kapag may COVID-19 vaccine na ba, hindi na natin kailangan ng health workers? Ano’ng mangyayari sa ating health workforce gayung sa atin pa lang, alam na nating kulang ang mga ito?
Nakadidismaya dahil pilit silang nagbibigay-serbisyo sa bansa sa kabila ng naantalang sahod at benepisyo, pero tayo mismo ang nagtutulak sa kanila paalis.
Paalala lang ho, todo-kayod at buwis-buhay ang ating nurses mula nang pumutok ang pandemya, kaya siguro naman, sapat na dahilan ito para alagaan natin sila at hindi ipagtabuyan.
Samantala, panawagan natin sa mga kinauukulan, gawin ho ninyo ang inyong trabaho para maiwasan ang ganitong mga eksena.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios