ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 25, 2023
Isa si Andrea Brillantes sa mga ‘pinupulutan’ ng mga kapwa niya artista at ilang PR friends sa pagiging vocal nito kung sino ang mga lalaking gusto niyang maka-date.
Mahilig daw kasing magbiro ang aktres pero alam naman na ang biro ay half-meant kaya kung lulusot, eh, di maganda.
Nabanggit ni Andrea na type niyang maka-date ang isa sa Top 12 ng Gilas Pilipinas na kasama sa FIBA World Cup na si Kai Sotto na may taas na 7’3" at ang dalaga naman ay 5’2".
Kaya ang biruang narinig namin, “Hanggang tuhod lang yata siya (Andrea) o bago magbewang. Ano ba ‘yang si Blythe? Nahilig na sa basketball player.”
Pero madiin namang nilinaw ng aktres na ‘date’ lang ang gusto niya at hindi relasyon.
Kaya ibig sabihin, baka gusto lang niyang maging kaibigan si Kai.
“Ano ba ang date ngayon sa Gen Z? Dinner with inuman ba o tsikahan lang?” sabi naman ng veteran actress na naka-work na ni Andrea.
“Anything goes na ngayon when you say date,” sagot ng kilalang PR manager.
Anyway, pagkatapos ni Kai ay nabanggit din ni Andrea na matagal na niyang crush ang nag-iisang anak na lalaki ng aktres na si Ina Raymundo, si Jakob Poturnak na 6’1" ang height at baseball player.
Anyway, isa pang ikinagulat namin ay ang tsikang mahilig daw talagang makipag-date si Andrea kasi naghahanap siya ng kakuwentuhan kung saan inilalabas niya ang kanyang saloobin dahil nga wala naman daw siyang madalas na nakakausap dahil ang mga kaibigan niya ay parating busy.
At isa nga ang kilalang aktor na pinagbigyan ang hiling ng dalaga na pakinggan siya sa buong gabi habang nakikinig sila ng mga lumang awitin.
Comments