ni Gerard Arce @Sports | March 12, 2024
Mga laro ngayong Martes (Philsports Arena)
4 n.h. – Creamline vs Strong Group
6 n.g. – Galeries vs NXLed
Papatibay sa pagkakahawak sa liderato ang defending champions na Creamline Cool Smashers sa pakikipagharap nito sa isa sa mga kulelat na koponan na Strong Group Athletics sa pambungad na laro, habang agawan naman sa unang panalo ang Galeries Tower Highrisers at NXLed Chameleons para sa double-header na mga laro ngayong araw sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagiging epektibo ang isinasagawang balasahan ng coaching staff ng Creamline upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na makita ang ibang anggulo ng laro at playing time na pare-parehong nakalagay sa iisang sistema ni head coach Sherwin Meneses.
Binigyang pagkakataon ng Creamline na palaruin ang lahat ng manlalaro nito sa nagdaang huling panalo kontra Galeries Tower Highrisers para sa madaling 25-22, 25-17, 25-15 straight set nitong Huwebes, kung saan lahat ay nakalaro at nakapuntos.
“Ngayon naman, sabi namin mag-perform ng maganda. I-ready 'yung sarili nila kung sino 'yung nasa loob. So, masaya kami kasi lahat naman nag perform talaga ng maganda,” paliwanag ni Meneses, na kakaharapin ang baguhang koponan na Strong Group sa unang laro ng 4 p.m., habang nakasunod na magbakbakan para sa unang panalo ang Galeries at NXLed Chameleons sa main game ng 6 p.m.
“We’re very happy sa performance and we’re very proud of everyone. But yun, sinasabi din samin nila coach na we can’t be too complacent. Kailangan may respect and andoon pa rin yung aggressiveness naming. Marami pa rin kaming lapses,” wika ni Alyssa Valdez na umambag ng 8 puntos mula lahat sa atake, upang pumangatlo sa matataas na manlalarong lumikha ng puntos sa pangunguna ni Michele Gumabao sa 10pts at Diana Mae “Tots” Carlos sa siyam, mula rin lahat sa atake.
Comments