ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 23, 2022
Kapag binabalikan natin sa isip ang mga nangyari sa nakalipas na dalawang taon mula nang ma-detect ang unang kaso ng COVID-19 sa ating bansa na dala ng isang dayuhan noong Enero 30, 2020, hanggang makumpirma na mayroon na tayong local transmission noong Marso 7, 2020, parang ang hirap paniwalaan na ang dami nang nangyari mula noon.
Nagpatupad tayo ng mga kinakailangang quarantine measures sa buong bansa. Mula noon, napakalaki ng nabago sa buhay nating mga Pilipino dahil sa pandemya.
Gayunman, kahit anong hirap ang ating pinagdaanan, kumpiyansa tayong sabihin na ginawa ng Duterte Administration ang lahat ng makakaya nito. Nagtrabaho tayo nang walang hinto para labanan ang pandemya upang sagipin ang buhay ng bawat Pilipino at makatawid sa krisis na hatid ng COVID-19.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, umapela tayo noon na magdeklara ng national public health emergency at para bigyang-daan ang mga kinakailangang hakbang gaya ng Social Amelioration Program 1 & 2, COVID-19 Adjustment Measures Program ng Department of Trade and Industry, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ng Department of Labor and Employment, Small Business Wage Subsidy, ang pagpapauwi sa indibidwal na stranded sa Metro Manila sa kanilang mga probinsiya, gayundin ang mga galing abroad, pamamahagi ng suporta at kagamitan sa mga health institutions, benepisyo para sa ating healthcare workers, ang pagpasa ng Bayanihan Law 1 & 2, at marami pang iba.
Napakalaki ng naitulong ng mga ito para maibsan ang epekto ng pandemya lalung-lalo na sa mahihirap at higit na nangangailangan nating kababayan. Higit sa lahat, nakapagbigay ang mga ito ng kinakailangang proteksiyon para sa ating mga frontliners upang magampanan ang kanilang tungkulin.
Sa ngayon ay patuloy pa rin sa pagbaba ang mga naitatalang kaso ng COVID-19. Sinabi ng Pangulo, kamakailan lamang na marahil tapos na ang panganib na hatid ng Omicron variant.
Isinailalim na ng Malacañang ang ating bansa sa low-risk category lalo pa at sampung rehiyon na ang naabot ang 70% vaccination rate sa kani-kanilang populasyon.
Habang naghahanda tayo patungo sa pagbabalik sa normal, kailangan nating matutong mamuhay nang ligtas kahit na may panganib pa ng virus. Kailangan nating patuloy na mag-ingat habang unti-unti nating binabawi ang mga panahong nawala sa atin sa nakalipas na dalawang taon at binubuksan muli ang ekonomiya upang umusbong, lalo na ang kabuhayan sa ating mga komunidad.
At magagawa lang natin ito kung patuloy tayong makikiisa sa pamahalaan, magmamalasakit sa kapwa, at makikipagbayanihan sa isa’t isa. Alalahanin natin, hindi pa po tapos ang pandemya.
Ang ating patuloy na pagsunod sa mga ipinatutupad na patakaran ay makapagliligtas sa ating mga mahal sa buhay.
Ngayon, patuloy ang ating apela sa ating pamahalaan na mas palakasin pa ang vaccination rollout, lalo na sa mga rehiyon na may mababang vaccination rates. Ito ay para matiyak na bawat kuwalipikadong Pilipino sa bakuna ay may proteksiyon laban sa malalang epekto ng virus.
Hindi natin mararating kung nasaan man tayo ngayon kung hindi sa sipag at dedikasyon ng ating healthcare workers, ng iba pang frontliners at ng pangkalahatang publiko.
Kinikilala natin ang inyong mga sakripisyo at palagi nating ipaglalaban ang inyong kapakanan bilang inyong representante sa Senado.
Hindi natin dapat pabayaang mawala ang unti-unting pagwawagi laban sa COVID-19 sa nakalipas na dalawang taon, lalo na’t may papasok nang bagong administrasyon sa susunod na mga buwan. At kahit papalapit na ang araw ng halalan, hindi titigil ang Administrasyong Duterte sa pagseserbisyo sa inyo hanggang sa huling araw ng kanilang termino. At ipagpapatuloy natin ito bilang inyong lingkod kahit anuman ang mangyari sa pulitika.
Muli tayong umaapela sa lahat na maging responsable tayo para sa kaligtasan at kalusugan ng ating kapwa Pilipino. Sa kabila ng ating magkakaibang paniniwala, naririto tayo para maglingkod, at ang buhay at kapakanan ng ating mga kababayan ang ating pangunahing dapat na isaalang-alang.
Sa mga kapwa natin Pilipino, manatili tayong disiplinado ngayong nagbabalik na tayo sa normal na pamumuhay, unti-unti nang nagbubukas ang ekonomiya, at nakababalik na ang mga estudyante sa paaralan. Alalahanin natin na pinakaimportante ang buhay at kaligtasan ng lahat.
Mahirap man ang ating mga pinagdaanan, tinitingnan natin ang buong sitwasyon nang may pag-asang maipapamahagi sa inyo dahil unti-unti na nating nakikita ang sinasabing “light at the end of the tunnel”. Pero sa kabila ng mga ito, hindi pa rin tayo dapat maging kumpiyansa. Sa halip, gawin natin itong malaking oportunidad para matuto at magkaisa tungo sa isang magandang bukas para sa lahat ng Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments