top of page
Search
BULGAR

Hindi nakaabot sa finals si Yulo sa vault ng FIG

ni VA @Sports | March 10, 2024





Bigo ring umulit bilang vault champion ang Filipino gymnast na si Carlos Yulo sa ginaganap na Baku, Azerbaijan leg ng FIG Artistic Gymnastics World Cup Series.


Kasunod ng kabiguang umabot sa finals ng parallel bars, hindi rin nakaabot ng vault finals si Yulo makaraang tumapos lamang na pang-21 sa qualification noong Biyernes - Marso 8.


Nagtala lamang ang 2021 world champion sa vault at 2-time Asian titlist ng nasabing apparatus ng 13.933 points upang magtapos kasama ng bottom half ng kabuuang 36 na kalahok sa naturang event.


Bigo rin siyang makausad sa finals ng dalawa pang events na horizontal bar at pommel horse noong Biyernes pagkaraang pumuwesto lamang na pang-16 at pang-41 sa naitalang13.566 points at 11.566 points ayon sa pagkakasunod.


Tanging top 8 gymnasts lamang sa bawat apparatus ang qualified sa finals.


Gayunman, may pag-asa pang magwagi ng medalya ang 24-anyos na Olympian sa pagsabak niya sa finals ng floor exercise kung saan una siyang naging world champion noong 2019.


Samantala, makapasok naman sa women's floor exercise final ang Pinay gymnast na si Emma Malabuyo makaraang tumapos na pang-anim sa qualification sa naitala nitong 13 points.


Silver medalist sa  floor exercise sa nakalipas na Cairo, Egypt leg noong Pebrero, target ni Malabuyo na palakasin ang kanyang tsansang magkamit ng Paris Olympics berth sa pamamagitan ng isa uling podium finish.

0 comments

Recent Posts

See All

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page