ni Jemuel C. Salterio @Talbog | Jan. 6, 2025
Hindi matatawaran ang sipag at dedikasyon ng nag-iisang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa pagpo-promote niya pa rin ng pelikulang Uninvited. Kahit nabalot ng kontrobersiya ang hindi pagkapanalo ni Ate Vi as Best Actress sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) kung saan tinalo siya ni Judy Ann Santos, buong-puso itong tinanggap ni Ate Vi with so much humility and grace.
Tinapos pa rin niya ang awards night at take note, hindi siya nag-walkout, mga Ka-BULGARians, hindi katulad nu’ng isang aktres na nag-walkout nu’ng hindi nanalo last year.
Napakaganda ng ipinakitang ehemplo o halimbawa ni Ate Vi sa ating lahat, kaya heto, super blessed pa rin siya at ang buong cast ng Uninvited dahil dumadagundong na ang pangalan nito sa international scene, mga ateng!
Isa itong pelikulang may lalim, emosyon, at aksiyon na siguradong tatatak sa puso ng
mga manonood.
Sa mga hindi pa nakakapanood, aba, mga mars, huwag nang paawat dahil eto na ang listahan ng mga international screenings — January 2: UAE, Qatar, at Bahrain; January 10: US at Canada; January 19: Malta at Paris, France.
Ang pelikulang ito, na opisyal na kalahok sa ika-50 MMFF ay pinagbibidahan ng Star for All Seasons Vilma Santos, na nagpatunay muli kung bakit siya ang Reyna ng Pinilakang Tabing.
Grabe, mga sis, ibang level ang performance ni Ate Vi rito – parang sinasaksak ang puso mo sa bawat eksena!
Ang kuwento? Juicy at intense! Sa isang sosyal na party ng bilyonaryong negosyante (played by Aga Muhlach), biglang rumampa si Vilma bilang Eva, isang ina na buong-tapang na bumangga sa mga kalalakihang pumatay sa kanyang anak isang dekada na ang nakararaan.
Naging vigilante si Eva, at isa-isa niyang pinatay ang mga kontrabida — mula kina Cholo Barretto bilang Celso Batac, Ketchup Eusebio bilang Jomar Maitem, hanggang kay Gio Alvarez bilang Randall Ballesteros.
Pero wait lang, mga ‘teh, hindi lang ito basta revenge story. Binigyang-diin din ng pelikula ang mga sensitive na isyu tulad ng karahasan, katiwalian, mental health, at ang kabayanihan ng isang ina. Talaga namang itinatak ni Direk Dan ang mga flashback para mas mapiga ang emosyon ng bawat eksena.
Ang cast? Wagas, mga sis! Mula sa pagganap ni Nonie Buencamino - kahit maikli ang role - hanggang kina Mylene Dizon bilang Katrina Vega (asawa ni Guilly), Tirso Cruz III bilang Colonel Red, at Lotlot de Leon bilang Norma, todo ang intensity. Alam mong pinag-isipan ang bawat casting at execution.
At ang villain? Juicy ang pagka-intense ng karakter ni Guilly na ginampanan nang bongga ni Aga.
Milya-milya ang narating ng pelikula sa dami ng isyung tinatalakay nito. Habang ang ibang biktima ay natakot, tumanggap ng suhol, o tumakas na lang, si Eva, tumayo bilang boses ng hustisya.
Shocks lang, mga bes, parang sinampal ka ng reality check – ano’ng gagawin mo kung ikaw si Eva?
Hindi rin nagpahuli ang audience reactions — imagine mo, palakpakan sa dulo ng bawat screening! Ang sarap sa puso na makitang maraming naka-relate, naantig at naliwanagan.
May ilang eksenang medyo over sa execution, pero hindi mo ito mararamdaman dahil sobrang lakas ng climax. Hindi rin maiiwasang ikumpara ito sa ibang MMFF entries tulad ng And The Breadwinner Is… (ATBI) ni Vice Ganda, pero mga bes, ibang liga ang Uninvited.
Isa itong pelikula na hinding-hindi mo malilimutan. Bukod sa all-star cast, ang kuwento mismo ay tumagos sa puso ng mga tao.
Kaya kung may time kayo, mga bakla, i-schedule na ang panonood abroad!
Congratulations sa buong team ng Uninvited! Isang pelikula itong hindi lang para sa aliw kundi para rin sa pagbabago.
Bravo, Ate Vi, at sa lahat ng bumuo ng obra maestrang ito!
‘Yun na! Ambooolancia! #ChairmanNgChikahan
Comments