ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 28, 2022
Nakadudurog ng puso na wala pang tatlong buwan ang nakalilipas makaraang yanigin ng lindol ang lalawigan ng Abra noong Hulyo 27 ay muli na namang naramdaman ang magnitude 6.4 earthquake na labis na namang sumalanta sa naturang lugar.
Hindi pa man din nakakabangon ng tuluyan ang Abra ay nakumpirmang 44 katao na naman ang sugatan sa naturang pagyanig na naramdaman sa malaking bahagi ng Northern Luzon ayon mismo sa pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon pa sa NDRRMC ang mga nasugatan ay nagmula sa Cordillera ang 32 katao, samantalang 12 naman ay nagmula sa Ilocos Region at hindi pa umano nakukumpirma kung may nasawi o nawawala dahil sa grabeng pagyanig na kanilang naranasan.
Sa pinakahuling ulat ay umabot sa 18,478 pamilya o katumbas ng 61,514 indibidwal na pawang naninirahan sa may 208 na iba’t ibang barangay ng Ilocos Region at CAR na labis na naapektuhan ng nagdaang lindol noong Martes ng gabi.
Sa ngayon ay nasa 22 pamilya o 76 indibidwal ang inilikas sa mga evacuation center, samantalang ang ibang apektado ay pansamantalang nakikituluyan muna sa kani-kanilang kamag-anak o kaibigan.
Ang nakalulungkot na ulat ng NDRRMC ay umabot sa 1,821 ang mga bahay na nasira sa iba’t ibang barangay ng Ilocos Region, Cagayan Valley, CAR at 1,821 sa mga kabahayan ang ‘partially damaged’ at walo ang hindi na talaga pakikinabangan.
Iniulat din na maraming gusali ang naapektuhan at ang iba pang imprastruktura ay tinatayang nasa P57.7 milyong halaga sa iba’t ibang bahagi ng mga nabanggit na lugar.
Sa paglipas ng mga araw ay tiyak na may mga madaragdag pang naapektuhan na sana ay hindi na mas malala dahil masyado ng lugmok ang Abra at tiyak na kakailanganin na naman ng tulong ng ating mga kababayan.
Kaya nga tinawagan natin na lahat ng ahensya ng pamahalaan na puwedeng rumesponde sa pangyayaring ito para agad mabigyan ng alalay ang mga kababayan nating labis na naapektuhan ng trahedyang ito.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works ay mariin nating iniuutos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad magsagawa ng inspeksyon sa mga apektadong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
Kailangang maideklara na agad ang mga gusali at iba pang imprastruktura na hindi na sigurado ang kaligtasan o hindi na talaga maaaring gamitin upang makapag-ingat ang publiko at hindi madagdagan pa ang problema.
Bilisan din ang pagkilos kung may mga aayusin, partikular ang mga nawasak na pampublikong imprastruktura upang hindi naman maapektuhan ang buhay at kabuhayan ng mga kababayan nating nasalanta ng lindol.
Ngunit bago pa man nangyari ang nagdaang lindol na ito sa lalawigan ng Abra ay inatasan na natin ang DPWH na dapat maging proactive sa pagtitiyak hinggil sa integridad at kaligtasan ng lahat ng pampublikong imprastruktura.
Hindi na dapat naghihintay na may mangyari pang sakuna o trahedya, tulad ng lindol, bagyo at iba pang kalamidad bago pa kumilos para suriin ang tibay at kondisyon ng mga tulay, daan at iba pang imprastruktura na ginagamit ng taumbayan.
Kung regular ang isinasagawang inspeksyon sa mga pampublikong imprastruktura ay maiiwasan ang mga trahedyang, tulad ng nangyari sa Carlos P. Romulo Bridge bridge sa Bayambang, Pangasinan na bumagsak dahil sa hindi nakayanan ang bigat ng dumaang truck.
Kung tutuusin ay hindi naman natin mapipigilan ang lupit ng kalikasan, ngunit maaari nating iwasan na may masaktan kung ating paghahandaan ang pagdating ng trahedya sa pamamagitan ng pagtitiyak na matibay at ligtas ang mga ginagawang imprastruktura.
Dapat ding matiyak na ang mga isasagawa pa lamang na mga susunod na proyekto na pampublikong imprastruktura ay walang daya kung materyales ang pag-uusapan dahil buhay ng ating mga kababayan ang nakataya dito.
Ayon mismo sa DPWH ay nasa 4,361 tulay sa bansa at nasa 51% ang nasa maayos, samantalang 44% ang nasa tama lang na kondisyon at ang natitira ay medyo puwede pa pero delikado na at naghihintay na lamang bumigay.
Sa ngayon ay nakikiisa tayo sa ating mga kababayan na naapektuhan ng lindol at umasa kayo na kasama ninyo ang inyong lingkod sa muling pag-ahon ng buong lalawigan ng Abra.
Palagi nga nating sinasabi na bagama’t nangyari sa atin ang ganitong pagsubok ay huwag tayong mawawalan ng pag-asa dahil hindi naman ito ibibigay ng Panginoon kung hindi natin kaya.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments