top of page
Search
BULGAR

Hindi na dapat ipagpaliban ang F2F classes

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 26, 2022


Lumabas sa survey ng Pulse Asia na karamihan sa mga Pilipino ay pabor sa pakikilahok ng mga bata sa face-to-face classes sa darating na school year, bagay na noon pa ipinananawagan ng inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.


Malinaw na hudyat ito sa pamahalaan na hindi na dapat pang ipagpaliban ang pagbabalik ng face-to-face classes mula sa mahigit dalawang taong online learning bunsod ng pandemya. Ang patuloy na kawalan ng face-to-face classes ay lalo lamang magdudulot ng pinsala sa ekonomiya dahil sa nakababahalang learning loss o pag-urong ng kaalaman.


Ayon sa survey na ating kinomisyon at isinagawa noong Hunyo 24 hanggang 27, 94 porsyento ng mga nakilahok sa survey ang sumasang-ayon na dapat pahintulutan ang mga batang mag face-to-face classes na, samantalang apat na porsyento ang hindi matukoy kung sang-ayon sila o maaaring hindi sang-ayon at dalawang porsyento lamang ang hindi sang-ayon. Kung pagbabatayan ang estado sa buhay ng mga kalahok sa survey, lumalabas na 85 porsyento mula Class ABC, 96 porsyento mula Class D, at 92 porsyento mula sa Class E ang sumasang-ayon dito.


Taliwas ang naging resulta ng naturang survey sa isang parehong pag-aaral na ginawa noong Hunyo 2021, kung saan 44 porsyento lamang ang sumang-ayon sa pagbabalik ng face-to-face classes, 33 porsyento ang nagsasabing hindi nila matukoy kung sang-ayon sila o maaaring hindi sila sang-ayon at 23 porsyento ang hindi sang-ayon.


At para naman matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, iginigiit natin na dapat paigtingin pa ang pediatric vaccination laban sa COVID-19. Dapat pamunuan ng DepEd ang mas agresibong school-based vaccination program sa tulong ng Department of Health (DOH).


Nakababahala ring nananatiling mababa ang bilang ng mga kabataang may edad lima hanggang 11 na nabakunahan na laban sa COVID-19. May naitalang 3.6 milyon o 26 porsyento pa lamang sa 14 milyong mga batang may edad na 5 hanggang 11 ang fully vaccinated na, ayon sa datos noong Hulyo 7. Samantala, nasa 9.6 milyon na o 86 porsyento ng 11.4 milyon ang fully vaccinated sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17.


Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang pagsasara ng mga paaralan ay katumbas ng 10.8 trilyong pisong mawawala sa bansa pagdating sa productivity. Ang mas malala pa, magdudulot daw ito ng kawalan ng trabaho sa susunod na apat na dekada.


Kung pakikinggan lang natin ang ating mga kababayan, makikita nating napakalakas ng panawagan para sa pagbabalik ng face-to-face classes. Hindi natin maaari pang ipagpaliban ang pagbabalik ng ating mga kabataan sa paaralan at hindi na natin dapat hayaang mahuli ang sektor ng edukasyon mula sa pagbangon natin sa pandemya.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page