ni Grace Poe - @Poesible | October 1, 2020
Hello, mga bes! Nagpahayag ang Pangulo na nananatiling nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, kasama ang Batangas, Tacloban City, Iloilo City, Bacolod City, at Iligan City at mananatiling nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Lanao del Sur. Samantala, ang ibang lalawigan at siyudad sa bansa ay nasa Modified General Community Quarantine na.
Kasabay nito, lalarga nang muli ang provincial buses ngayong araw. Napapanahon ito dahil kailangan talaga ng ating mga kababayan, lalo na ng mga nagtatrabaho sa ibang lugar ng pampublikong transportasyon. Mas marami tayong kababayan na walang pribadong sasakyan at sila ang lubhang apektado ang mobilidad ngayong pandemya.
Pinaaalalahanan natin ang ating mga driver at pasahero na kailangan nating sundin ang safety protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at face shields, pagsasagawa ng social distancing, at pagseryoso sa pagbibigay ng impormasyon sa contact tracing. Dahil sa dagdag na mobilidad, kailangang doblehin natin ang pag-iingat para hindi mahawa at makahawa ng COVID-19. Malaking problema kung ang isang may impeksiyon ay magkakalat pa nito sa ibang lugar.
Dapat ring magsagawa ang transport operators at mga awtoridad ng regular na paglilinis at disinfection ng mga sasakyan at istasyon. Mahalaga ito para mapangalagaan ang ating mga pasahero sa coronavirus at iba pang karamdaman.
Mahalaga ang provincial buses sa paghahatid ng mga tao at bilihin mula Maynila at mga karatig-rehiyon. Nagbibigay din ito ng trabaho at pagkakakitaan sa mga driver at konduktor na matagal na natengga dahil sa pandemyang kinahaharap ng bansa.
Gayunman, kailangang tiyakin ang kaligtasan ng publiko, at magagawa lamang ito kung magiging mahigpit ang pagpapatupad ng mga alituntuning pangkaligtasan sa transportasyon.
Kailangan ng monitoring sa ating bus stops at terminals para masigurong ipinatutupad ang social distancing. Para maisagawa ito, kailangang tiyakin ang maayos na sistema ng pag-schedule sa alis ng mga bus para maiwasan ang pagsisiksikan sa mga terminal at sa mismong mga sasakyan. Mahalaga na palaging malinis ang mga pasilidad at may disinfectant at sanitizer na magagamit ng libre ng mga pasahero.
Mahalaga ang mobilidad ng mga tao sa ating ekonomiya. Hindi lahat ay maaaring manatili lamang sa loob ng bahay. Mas marami sa atin ang kailangang makipagsapalaran sa labas para magkaroon ng pagkain sa mesa para sa ating pamilya.
Sa panahong ito na palaging naninimbang sa pagitan ng kaligtasan at kabuhayan, obligasyon ng bawat isa ang sumunod sa mga panuntunang inilatag para sa kaligtasan ng lahat.
Manatiling ligtas, mga bes!
Comments