Hindi maaaring mamahala ng recruitment agency ang isang dayuhan
- BULGAR
- 6 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 28, 2025

Dear Chief Acosta,
Kamakailan lamang, ang tiyahin ko ay inalis sa kanyang trabaho sa isang recruitment agency rito sa Pilipinas. Ayon sa kanya, nagkaroon sila ng malaking hindi pagkakaunawaan ng kanyang dayuhang amo kaya naman siya ay hindi na pinapasok. Nais ko lang maliwanagan, maaari bang pamahalaan ng isang dayuhan ang isang recruitment agency? Maraming salamat. — Iyen
Dear Iyen,
Kinikilala ng ating pamahalaan ang kahalagahan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Dahil dito, ang recruitment agencies na nagpapadala ng mga Pilipino sa ibang bansa ay pinagtutuunan ng pansin ng mga ahensya ng pamahalaan na naatasan na kontrolin at pangasiwaan ang mga ito.
Ang Revised Philippine Overseas Employment Agency (POEA) Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Landbased Overseas Filipino Workers of 2016 ay nagbibigay ng mga panuntunan sa pamamahala ng mga recruitment agencies sa Pilipinas. Nilalayon nitong siguruhin na ang mga OFWs sa ibang bansa ay dumaan sa maayos, legal, at sistematikong proseso sa kanilang pag-alis sa ating bansa.
Sang-ayon sa Seksyon 143, I (k), Rule III ng nasabing Rules and Regulations, ipinagbabawal ang sinumang dayuhan na mamahala ng isang recruitment agency. Ayon dito:
“Recruitment Violation Cases, Classification of Offenses and Schedule of Penalties
xxx k. Allowing a non-Filipino citizen to head or manage, directly or indirectly, a licensed recruitment agency. For this purpose, ‘heading or managing’ a licensed recruitment agency shall refer to:
Controlling and supervising the operations of the licensed recruitment agency or any branch thereof; or
Exercising the authority to hire or fire employees and to lay down and execute management policies of the licensed recruitment agency or branch thereof.
Penalty: Cancellation of License”
Lubos na ipinagbabawal ng nasabing panuntunan ang isang dayuhan na mamuno o mamahala, direkta man o hindi, ng isang lisensiyadong recruitment agency. Ang kabilang sa depinisyon ng “pamumuno o pamamahala” ng isang lisensyadong recruitment agency ay pagkontrol at pangangasiwa sa operasyon nito o anumang sangay nito; o ang paggamit ng kapangyarihan na kumuha o magtanggal ng mga empleyado, at maglagay at magsagawa ng mga patakaran sa pamamahala ng lisensyadong recruitment agency o mga sangay nito.
Upang sagutin ang iyong katanungan, malinaw sa nasabing tuntunin na hindi maaaring mamahala ng isang lisensyadong recruitment agency ang isang dayuhan. Ang tahasang pagtanggal sa iyong tiyahin ay sakop sa depinisyon na binigay ng tuntunin sa salitang “pamamahala.”
Base pa rin sa parehong seksyon ng nabanggit na panuntunan, maaaring makansela ang lisensya ng isang recruitment agency kung mapatunayan na ang namamahala rito ay isang dayuhan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments