top of page
Search
BULGAR

Hindi lang pampalakas ng resistensya… Magnesium, panlaban sa depresyon, impeksyon at kanser

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 15, 2022




Dear Doc Erwin,


Ako ay health buff—mahilig mag-exercise at kumain ng masustansyang pagkain. Marami na akong nabasa tungkol sa health benefits ng mga pagkaing mayaman sa magnesium o pag-inom ng magnesium supplement kung hindi sapat ang nakukuhang magnesium sa pagkain. Ngunit may nabasa akong artikulo sa health magazines na may ginagampanang papel ang magnesium sa paglaban sa mga sakit at kanser. Ito ba ay fake news upang maibenta ang magnesium supplements? O, may pag-aaral na ba tungkol sa bisa ng magnesium? - Rain


Sagot


Maraming salamat Rain sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Makatotohanan ang iyong binanggit na may health benefits ang mineral na Magnesium. Maraming research studies na nagpakita ng bisa nito upang mapalakas ang exercise performance, lalo na sa may edad na. Tumutulong din ang Magnesium sa mga bodybuilders na lumakas at mapalaki ang kanilang muscle mass. Epektibo rin ayon sa mga pananaliksik ang Magnesium sa mga atleta upang lalong lumakas at makaiwas sa muscle damage na karaniwang nararanasan ng mga atleta matapos ang sports competition.


Samantala, inilathala noong 2015 sa Journal of the American Board of Family Medicine na ang kakulangan sa Magnesium ay nagdudulot ng depresyon at makatutulong ang pag-inom ng Magnesium supplements upang mabawasan ang mga sintomas nito.


Malawak na rin ang paggamit ng mga doktor ng Magnesium supplements sa mga pasyente upang makaiwas sa pagtaas ng blood sugar level, makaiwas sa sakit sa puso, stroke at high blood pressure. Iniinom na rin ito bilang panlaban sa migraine attacks, PMS o premenstrual syndrome at anxiety.


Tungkol naman sa iyong katanungan sa papel na ginagampanan ng Magnesium sa paglaban sa iba’t ibang sakit at cancer. Ayon sa scientific article na isinulat ni Dr. Forrest Nielsen, ang kakulangan sa Magnesium ng ating katawan ay magdudulot ng tinatawag na “chronic low-grade inflammation”, risk factor sa pagkakaroon ng sakit sa puso, hypertension at diabetes. Sinang-ayunan ito ng artikulo noong February 10, 2022 ng University of Cambridge School Clinical Medicine, kung saan sinabing ang level ng Magnesium sa ating katawan ay importante upang labanan ng ating immune system ang iba’t ibang sakit at mga cancer cells. Binanggit din sa artikulo na ang cancer cells ay mabilis kumalat kung may kakulangan sa Magnesium. Humihina rin ang immune system sa paglaban nito sa mga flu viruses.


Sa pinakabagong research study na inilathala sa scientific journal na Cell noong February 17, 2022, sinabi ng mga scientists mula sa Switzerland at Amerika na kinakailangan ng mga T Cells ng ating immune system ang Magnesium upang malabanan ang mga abnormal at infected cells.


Anila, importante ang Magnesium sa ating immune system upang labanan ang iba’t ibang sakit, cancer, lalo na ng mga pasyente na sumasailalim sa cancer immunotherapy.

Ang Recommended Daily Allowance (RDA) o Adequate Intake (AI) para sa Magnesium ay 400mg hanggang 420mg sa kalalakihan na may edad 18 pataas at 310mg hanggang 320mg naman sa kababaihan.


Ano’ng pagkain ang mayaman sa Magnesium? Ang pumpkin seeds, chia seeds, almonds, cashew at black beans ay mataas ang nilalaman na Magnesium. Gayundin ang spinach, brown rice, peanut butter at avocado.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page