ni Lolet Abania | January 27, 2021
Binibigyan ng 72-oras ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang isang hotel sa lungsod upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat i-sanction sa nangyaring paglabag sa COVID-19 protocol kaugnay ng naganap na birthday party ng celebrity na si Tim Yap.
Ayon sa inilabas na anunsiyo sa Facebook page ng Public Information Office (PIO) ng Baguio ngayong Miyerkules, “The city government gives hotel 72 hours to explain why it should not be sanctioned over celebrity party protocol breach.”
Ipinahayag naman ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kinokonsidera niya ang naging “kontribusyon” ni Tim Yap sa siyudad, kasabay ng pagsasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring paglabag sa COVID-19 protocol matapos na mag-viral ang birthday party nito kung saan dumalo rin ang alkalde.
Si Magalong na isa ring contact tracing czar ay nagsabi na nakita niya ang mga paglabag sa protocol sa naturang okasyon, partikular na ang hindi pagsusuot ng mga bisita ng masks.
Wala ring mga face shields at binalewala ang physical distancing. “Doon sa activity na ’yun, makikita mo, mayroong outright na violation,” sabi ng alkalde. “It’s because siyempre, tao lang, kumakain ka ba naman, bigla inimbitahan kang tumayo, nakipagsayaw ka, nakalimutan mo na,” dagdag ng mayor.
“Hindi ka naman perfect na tao. May magpapa-picture sa ’yo, makakalimutan mo ’yung mask mo, ‘di ba?” Binanggit naman ni Magalong na hindi dapat mag-alala si Yap sa gagawing imbestigasyon.
“Don’t you worry about it. Your contributions to Baguio City, promoting, you’ve been saying good words about Baguio, the help that you’ve extended to our artists -- we’re considering all of this,” ani Magalong.
Sinabi ni Magalong na nauunawaan niya kung bakit ang mga tao sa party, kasama na ang kanyang asawa, ay hindi nakasunod sa COVID-19 protocols. “We’re just human. Sometimes we are so engaged in one particular activity which is so fun that sometimes we forget.”
Gayunman, ang The Manor Hotel kung saan naganap ang birthday party ni Tim Yap, ay hiningan na ng paliwanag sa insidente. Ayon din kay Magalong, nagsagawa naman ng COVID-19 test sa mga guests bago dumalo sa okasyon.
Sinabi rin ni Magalong na nagkaroon ng imbestigasyon ang kanyang opisina tungkol sa isyu at pagmumultahin nila ang mga bisita sa nasabing party, maging ang kanyang asawa, na mapapatunayang lumabag sa health protocols.
“Pati wife ko, ipa-fine ko, pati grupo ni Tim Yap. We will fine them and everyone na ma-identify doon na hindi nagsuot,” pahayag pa ni Magalong.
Commenti