top of page
Search
BULGAR

Hindi lang ginagawa dahil uso… Health benefits ng pagsayaw sa TikTok, Alamin!

ni Ejeerah L. Miralles @Life & Style | February 26, 2023





Sa gitna ng dagok ng pandemya, higit dalawang taon nang nakararaan, kinagiliwan ng mga Pinoy ang social media application na TikTok sa iba’t ibang kontekstong nilalaman nito. Dagdag pa nila, “one-stop-shop” ang naturang aplikasyon.


Ngunit, higit na pumatok sa madla, ano’ng edad man, ang mga viral na TikTok dances. Ito ay ang simpleng pag-indak sa musika sa loob ng ilang segundo lamang.


Alam mo ba na ang pagsayaw — sa harap o likod man ng kamera — ay may kaakibat na benepisyo? Korek! May dagdag ding health benefits ang pag-indayog mo, ano-ano nga ba ang mga ito?


1. NAKATUTULONG SA CARDIOVASCULAR HEALTH. Ayon sa isang pag-aaral ng American Journal of Preventive Medicine (2016), ang mga taong nakikibahagi sa moderate-intensity dancing o pagsayaw ay 46% na mas mababa ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso o biglaang pagpanaw dahil naigagalaw nito ang kalamnan at kasukasuan sa lahat ng direksyon. Ito rin ay may karagdagang mga benepisyo na nagpapabuti ng balance sa pamamagitann g pag-indayog sa ritmo at musika.


Nangangahulugang walang kalamnan ang hindi naigagalaw, sapagkat nakokondisyon itong kumilos at nagpapahusay ng balance at lakas.


2. IWAS-MEMORY LOSS. Batay sa librong Thinking with the Dancing Brain (2016) nina Sandra Minton at Rima Faber, kanilang inilarawan na mistulang nagdyi-gymnastics ang isip habang nag-aaral ng steps. Majority ng utak ang gumagana habang isinasagawa ang mga dance routine kasabay ng tugtugin.


Kaya tunay na hindi lang ang buong katawan ang gumagana, bagkus pati ang isipan.

3. PINAPALAKAS ANG COGNITIVE PERFORMANCE. Hindi maikakailana ang pagtuon o pagbababad sa TikTok ay panandaliang pagtakas sa ating stressful na mundo.


Base sa siyensiya, ang pagsasayaw ay nakakapag-produce ng malaking halaga ng endorphins, mga hormone na inilalabas kapag angiyongkatawan ay nakakaramdam ng sakit o stress at nalilimitahan ang cortisol sa katawan o pangunahing stress hormone.


Samakatuwid, ang pagsasayaw ay nakakapagpabuti ng brain activity. Ito ay nagpapahusay ng pagkamalikhain, self-confidence, at pagpapahayag ng damdamin.


4. PAGIGING SOCIALLY CONNECTED. Napag-alaman sa isang pananaliksik na ang pag-iisa o paghiwalay sa lipunan ay maaaring magkaroon ng napakaraming negatibong epekto sa kalusugan, mental at pisikal man.


Ani Julie Granger, Paris-based International Sports Sciences Association (ISSA), ang pagsasayaw ay pakikiisa at pakikisalamuha. Kapag napapaligiran ka ng iba’t ibang tao, mararamdaman mo na mayroon kayong pagkakatulad. Hindi kayo sumasayaw para makipagkompitensya, bagkus kayo ay nag-e-enjoy.


Kitams! Ang paglalaan mo pala ng humigit-kumulang 10 minuto sa isang araw upang matuto ng sayaw ng TikTok at ang pag-indayog ay malaki pala ang naitutulong sa pangkabuuhan mong kalusugan. Hindi nga maikakaila na ang TikTok ay kasalukuyang praktikal na opsyon bilang outlet na pangkasayahan, kaya mga ka-BULGAR, ipagtuloy lang ang pag-indak! Gets mo?


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page