top of page
Search
BULGAR

Hindi lang basta ayuda, trabaho sa mamamayan

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 7, 2022


Kapag namimigay ang ating tanggapan ng ayuda sa mahihirap nating residente—maging sa pinakaliblib na bahagi ng ating bansa—personal nating nakikita at nararamdaman na kailangan pa rin talaga nila ng ating tulong at ng gobyerno. Dahil sa pandemya ay naging limitado ang mga oportunidad para kumita ang ating mga kababayan, pero ginagawa pa rin nila ang lahat at nagsasakripisyo para kahit paano ay may maiuwi sa kanilang pamilya at may maihain sa kanilang hapag-kainan.


Kaya hindi tayo sang-ayon na ihinto na ng gobyerno ang pagbibigay ng ayuda sa mga pinakaapektado ng pandemya. Hanggang nand'yan pa ang COVID-19, delikado pa ang buhay ng ating mga kababayan at apektado pa rin ang kabuhayan ng maraming Pilipino.


Kamakailan ay may mga agam-agam na dahil sa ating mahigpit na pangangailangan sa pondo, dapat nang ihinto ng gobyerno ang pagkakaloob ng financial support sa pinakanangangailangan nating mga kababayan. Uulitin natin, hindi tayo sang-ayon dito. Una sa lahat, prayoridad natin ang pagbibigay ng ayuda, lalo na sa mahihirap, basta may pagkukunan ng pondo. Siguraduhin nating walang magugutom.


Mandato ‘yan ng buong gobyerno, kasama na ang Kongreso, na tiyaking may sapat na pondo para sa pag-alalay, pagtulong at pagmamalasakit sa mga mamamayan hanggang tuluyang makabangon ang lahat.


At kung sinasabi nilang may mga butas diumano ang pagkakaloob ng ayuda sa ating mga kababayan, ang dapat gawin ay ayusin para matapalan ang butas kaysa itigil ito, lalo na sa panahon ngayon na may mga kapwa tayo Pilipino na walang-walang malalapitan maliban sa gobyerno. Alam natin ito ay dahil nakakausap at naririnig natin mismo ang kanilang mga pangangailangan.


Bagaman at ganito ang ating paninindigan, sang-ayon din tayo na kapag talagang tuluyang nakabawi na ang ating ekonomiya sa hagupit ng pandemya at iba pang krisis ay dapat hindi na sa ayuda idaan ang pag-alalay sa ating mga kababayan. Kailangan na may susunod na hakbang tayo upang unti-unti ay makatayo na sila sa kanilang sariling mga paa.


Sa ating kapasidad bilang senador, patuloy tayo sa pagsusulong ng mga panukalang batas sa ating 19th Congress na makatutulong sa mga sektor para maprotektahan ang kanilang hanapbuhay at maliliit na negosyo at matiyak na mayroon silang pagkakakitaan.


Kabilang na ang panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act.

Kapag naisabatas, palalakasin ng GUIDE ang kapasidad ng Land Bank of the Philippines at ng Development Bank of the Philippines para makapagkaloob sila ng kinakailangang pautang at tulong-pinansyal sa micro, small, and medium enterprises at sa strategically important companies at iba pang negosyong apektado ng pandemya. Kung matutulungan natin ang mga negosyo na makabawi at lumago, matutulungan din ng pribadong sektor ang ating mga kababayan na makabangon muli.


Isinusulong din natin ang panukalang ma-institutionalize ang programang “One Town, One Product” program ng DTI. Ang OTOP ay nagkakaloob din ng tulong sa MSMEs bukod sa promosyon ng mga paninda at produkto mula sa mga bayan, siyudad at rehiyon sa buong bansa. Kung mas lalawak ito, mas marami ang malilikhang trabaho.


Seguridad sa trabaho naman ang ating naging target para sa ating mga manggagawa na nasa iba’t ibang industriya.


Para matiyak na ang mga residente sa rural areas na kulang ang oportunidad sa trabaho ay napapangalagaan, isinumite natin ang Senate Bill No. 420. Sa ilalim nito, magkakaroon ng Rural Employment Assistance Program (REAP) sa ilalim ng Department of Labor and Employment, na magbibigay ng pansamantalang hanapbuhay sa mga kuwalipikadong indibidwal na mahirap, mahigpit ang pangangailangan, nawalan ng trabaho o kaya ay seasonal lang ang hanapbuhay.


Nariyan din ang Senate Bill No. 1191 para mapangalagaan ang karapatan ng ating mga marino sa bansang kanilang pupuntahan, magtakda ng mga patakaran sa kanilang pagsasanay at tiyakin ang kanilang kapakanan kapag sila’y retirado na.


Gusto rin natin na magkaroon ng maigting na proteksyon, seguridad at dagdag-benepisyo ang mga kaibigan natin sa media at entertainment, kaya inihain natin ang Senate Bill No. 1183 o ang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”. Sa pamamagitan nito, mabibigyan sila ng dagdag na health insurance package, overtime at night differential pay at iba pang benepisyo. Ayaw nating maulit ‘yung nangyari noong pumutok ang pandemya na marami sa kanila ay walang pagkukuhanan ng ikabubuhay dahil wala silang mga benepisyo. Marami sa kanila ay kinupkop ng Department of Social Welfare and Development at nahahatidan ng ating tanggapan ng tulong.


Inihain din natin ang Senate Bill No. 1184 o ang panukalang “Food, Grocery, and Pharmacy Delivery Services Protection Act of 2022” para sa proteksyon ng ating delivery riders na karaniwang nabibiktima ng peke o nakanselang mga booking at order.


Para sa atin, mas maraming negosyong makakabangon, mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng trabaho at kabuhayan. Mas protektado ang mga manggagawa, mas may sapat na pagkain para sa kanilang pamilya at mas maraming bata ang makakapag-aral. Hindi na natin kailangan ang palaging pagkakaloob ng ayuda.


Pero pansamantala, sa sitwasyon ngayon, patuloy pa rin nating ilapit ang malasakit at serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page