ni Grace Poe - @Poesible | September 06, 2021
"Hari ng Daan” ang tawag natin sa ating mga jeepney dahil sa prominenteng lagay nila sa ating kultura at araw-araw na pamumuhay. Pero dahil sa pandemya, nakita natin ang kaawa-awang sitwasyon na namamalimos ang ating mga tsuper sa kalsada noong hindi sila payagang pumasada. Hanggang ngayon, masakit pa rin sa puso ang imaheng ito ng pagpapakababa para magkaroon ng pagkaing ipanglalaman sa kumakalam na tiyan.
Pinangunahan natin ang paglulunsad ng proyektong magbibigay ng tulong pangkabuhayan sa mga kuwalipikadong tsuper ng jeepney sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan sa pangagasiwa ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sa ilalim ng programang pangkabuhayang ito, ang napiling benepisaryo ay pagkakalooban ng livelihood package na nagkakahalaga ng P30,000 bawat isa.
Dalawa ang maaaring matanggap ng benepisaryong tsuper: “Starter Kit” o “Negosyo sa Kariton.”
Sa pamamagitan ng Starter Kit na napili, makapagsisimula ang benepisaryo ng kabuhayan tulad ng pagbibigay ng serbisyong elektrikal, plumbing, welding, car wash, pagkukumpuni ng motorsiklo, cellular phone, appliance, upholstery, o pagmamasahe.
Samantala, ang Nego-Kart naman ay magbibigay ng paunang kapital at kagamitan para sa pagtitinda tulad ng mga kariton at iba pang materyales upang makapagtayo ang makatatanggap ng maliit na tindahan.
Ang mga target na benepisaryo ay kailangang nasa hustong gulang, hindi kasama sa mga tumatanggap na ng 4Ps, nakatira sa NCR Plus, at nawalan ng trabaho o hindi makapagpatuloy bilang tsuper dahil sa restriksiyon ng pandemya, sakit, o iba pang kahalintulad na dahilan.
May pitak ang ating mga tsuper sa ating puso dahil sa pagmamahal sa kanila ng aking amang si FPJ. Bago pa man ito, sinikap nating makapagpaabot ng tulong sa kanila sa pamamagitan ng Panday Bayanihan. Gayunman, kinikilala nating hindi lamang ayuda ang kailangan nila, kung hindi pagkakakitaan.
Sa pagbibigay ng kabuhayan sa ating mga tsuper, ibinabalik natin ang kanilang dignidad sa pamamagitan ng marangal na paghahanapbuhay.
Comments