ni Jersy Sanchez @Health & Lifestyle | September 15, 2019

No Problem
Madalas tayong nagiging busy kung saan nakakaligtaan nating kumain lalo na ‘pag naka-focus tayo sa mga gawain tulad ng pag-aaral, trabaho at pag-aasikaso ng gawaing-bahay. Ito ang kadalasang sanhi ng kawalan ng ganang kumain na maaaring mauwi sa pangangasim ng sikmura o Peptic Ulcer Disease. Upang maiwasan ito, narito ang ilang tips para sa inyo:
1. UMINOM NG TUBIG. Ayon sa mga eksperto, bago kumain, dapat uminom ng tubig para hindi mabigla ang tiyan.
Gayundin, puwede itong haluan ng baking soda upang mabawasan ang gas sa tiyan at lemon juice na maaaring makatulong sa pag-digest at pagsipsip ng fats at alcohol habang nasa proseso ng neutralizing ang bile acids.
2. KUMAIN NG SAGING. Isa ito sa mga mabisang prutas. Ayon sa mga eksperto, makatutulong ito dahil ‘natatapalan’ nito ang sikmura kapag tayo ay nalipasan ng gutom.
3. IWASAN ANG MAASIM AT MAANGHANG NA PAGKAIN. Kapag nalipasan ng gutom, umiwas muna sa mga maaanghang at maaasim na pagkain tulad ng sili, kalamansi, suka at purong pineapple juice dahil magdudulot ito ng paghapdi ng sikmura.
Gayundin, iwasan ang sobrang lamig na inumin dahil nakaiirita ito ng tiyan.
4. TINAPAY O BISKUWIT. Magdala ng mga pagkaing kayang bitbitin o ilagay sa bag dahil makatutulong ito upang hindi tayo malipasan ng gutom kahit saan tayo magpunta.
Mas makabubuti na ring isabay ito sa inyong mga grocery upang makatipid, makabawas at makaiiwas sa mga dagdag-gastusin para sa iyong sarili o pamilya.
5. KUMAIN SA TAMANG ORAS. Ang oras ng agahan ay alas-7:00 ng umaga, ang tanghalian ay alas-12:00, habang ang meryenda ay alas-4:00 at alas-7:00 naman sa hapunan. Kumain ng tamang dami ng pagkain at depende sa kaya mong ubusin.
Mas maigi rin kung susundin mo ang mga pagkain sa Go, Glow at Grow upang makasigurado na ikaw ay malusog. Parang time management lang ito at kailangan mong magkaoras para sa sarili mo, hindi lang sa love life mo.
Para sa usaping pangkalusugan, dapat tayong mag-ingat upang maging maganda ang ating pakiramdam. Gayundin, mas makatitipid tayo dahil hindi na natin kailangang bumili ng mga gamot kung tayo ay magkakasakit.
Kaya mga beshy, unahin ang sarili bago ang ibang bagay dahil kung hindi okay ang iyong katawan, maaapektuhan nito ang iyong pagiging productive sa iyong pag-aaral, pagtatrabaho o anumang ginagawa mo. Copy?
Comments