ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 28, 2021
Habang patuloy ang laban kontra COVID-19, nakatuon ang ating isip at puso sa magigiting na medical frontliners na araw-araw ay itinataya ang kanilang buhay upang mapanatili tayong ligtas. Hindi lingid sa ating kaalaman na marami sa mga tinamaan at kalaunan ay binawian ng buhay ay pawang mga health workers.
Kaya naman, inuuna ng gobyerno ang pagbabakuna sa medical frontliners sa gitna ng tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 para agaran silang mabigyan ng sapat na proteksiyon at sandata sa giyerang ito.
Gayunman, naniniwala tayong hindi natatapos dito ang mga hakbang na puwede nating gawin upang mas mapalakas ang pagtugon sa pandemya. Kamakailan, umapela tayo kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, Jr. at Health Secretary Francisco Duque III para isama ang staff ng Professional Regulation Commission na nagsasagawa ng professional board exams sa A4 priority group ng vaccination plan ng gobyerno. Sumang-ayon si Secretary Duque at Secretary Galvez sa apela nating ito.
Kung protektado ang examiners, proctors at iba pang personnel ng PRC, maisasagawa natin sa lalong madaling panahon at ligtas na paraan ang mga professional board exams. Mas mabilis nating madaragdagan ang medical frontliners sa mga ospital na may COVID-19 patients. Mas matutulungan ang mga kababayan nating maipagpatuloy ang kanilang propesyon para sa kanilang kabuhayan.
Nitong Marso lamang, marami ang nagsipagtapos sa pag-aaral at kinakailangan na lang pumasa ng board exam para maging ganap na health professional. Kaya naman, huwag na nating patagalin pa ang paghihirap ng ating frontliners. Gawin na natin ang kinakailangan para matulungan at madagdagan ang bilang nila.
Habang tinutugunan natin ang mga pangangailangan ng medical frontliners, tutukan din natin ang ibang pangangailangan ng ating mga kababayang maaaring mawalan ng kabuhayan kung patuloy na maaantala ang mga operasyon ng PRC.
Kaya ngayong tuluy-tuloy na ang ating pagbabakuna sa bansa, muli tayong umaapela sa mga kasamahan sa pamahalaan na siguraduhing makararating ang mga bakuna sa medical frontliners at pinaka-nangangailangan, tulad ng senior citizens, may comorbidities, essential workers, at mahihirap na kinakailangang lumabas ng bahay para magtrabaho.
Sumunod tayo sa patakaran. Hindi katanggap-tanggap na may mga nagaganap na “VIP vaccinations” sa iilang LGUs. Paano matatapos ang pagbabakuna ng mga frontliners kung may mga sumisingit? Alalahanin nating nagpapakahirap ang mga frontliners para isalba ang buhay ng ating mga kababayan. Kaya unahin sila sa bakuna upang masigurong hindi bumagsak ang ating healthcare system at para mas marami pang buhay ang mailigtas.
Magtiwala at sundin ang National Vaccination Program ng gobyerno dahil ang bakuna ang tanging susi tungo sa pagbalik sa normal na pamumuhay at importanteng solusyon para malampasan ang pandemyang ito.
Habang patuloy ang pagbabakuna at inaasahan nating darating na rin ang dagdag-supply sa susunod na mga araw, huwag tayong magkumpiyansa. Mas paigtingin pa ang pag-iingat at pagsunod sa mga patakaran. Magtulungan, magmalasakit, at makiisa tayo sa bayanihan para mas maproteksiyunan ang buhay, kapakanan at kabuhayan ng ating mga kababayan!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários