top of page
Search
BULGAR

Hindi hadlang ang kalamidad para sa edukasyong de-kalidad

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 06, 2021



Ngayong Hulyo ay ating ginugunita ang National Disaster Resilience Month. Napapanahon ito ngayong humaharap tayo sa pinakamalaking sakuna na nararanasan ng buong mundo — ang pandemya ng COVID-19. Dapat talagang matiyak na ang sistema ng edukasyon sa bansa ay mas matatag upang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat mag-aaral.


Hinihimok natin na mapatatag pa ang basic education sector at ang kakayahan nitong maghatid ng angkop na kaalaman at wastong pagsasanay sa gitna ng mga sakuna at anumang emergency situations upang patuloy na maitaguyod ang new o better normal sa edukasyon.


Dahil sa naging pinsala ng COVID-19, lalong nakita ang pangangailangang patatagin at gawing mas flexible ang sistema ng edukasyon, lalo na tuwing kinakailangang magsara ng mga paaralan. Mahigit 26.5 milyong mga mag-aaral sa basic education ang kinailangang sumailalim sa distance learning pagkatapos mahinto ang face-to-face learning noong Marso 2020.


Sa pagpapaigting sa edukasyon sa gitna ng mga sakuna, mahalaga para sa atin ang papel ng mga lokal na pamahalaan, lalo na ang mga local school boards. Isa sa mga probisyon sa Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards ang mas pinalawig na papel ng mga local school boards. Sa ilalim ng panukalang-batas, magiging papel na rin ng local school board ang paghahatid ng napapanahon, organisado at localized na mga intervention para sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng kalamidad at mga sakuna.


Isinusulong din ng 21st Century School Boards Act ang mas pinalawig na paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang magamit sa mga hindi pormal at distance education classes, pati na rin sa mga training programs.


Isinusulong din ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1565 o ang Education in the Better Normal Act, kung saan itinataguyod ang paggamit ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo at pag-aaral kabilang na ang homeschooling, online learning, pagtuturo sa radyo at telebisyon at mga printed modules.


Sa panahon ng mga krisis pang-kalusugan, dapat tukuyin sa mga plano ng pagbabalik-eskuwela ang mga hakbang tulad ng disinfection ng mga paaralan, ang pagkakaroon ng public health supplies, preventive public health programs, teacher training sa disease prevention and management, at iba pa.


Sa ilalim din ng panukalang-batas, ang mga mental health services, life skill classes at psychosocial first aid ay ihahatid sa mga mag-aaral. Para naman sa mga mag-aaral na may kapansanan at nangangailangan, isinusulong ang pagkakaroon ng abot-kaya at angkop na mga serbisyo.


Umaasa tayong sa pamamagitan ng mga panukalang ito ay maiaangat natin ang kalidad ng edukasyon ng mga kabataang mag-aaral at mapahahalagahan ang kanilang kinabukasan sa kabila ng pinagdaraanan nating mga pagsubok at suliranin.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page