top of page
Search
BULGAR

Hindi gumagaling ang sugat mula sa pagkakapako

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 15, 2021




Dear Doc. Shane,

Nasugatan ang aking kaliwang paa nang napako ito habang gumagawa ako ng mesa. Nililinis ko ito gamit ang hydrogen peroxide pero tila hindi gumagaling. Nagkakaroon na ito ngayon ng nana na pinipisil ko kapag nililinisan. Ano ba ang dapat kong gawin para gumaling ito agad? – Bangs


Sagot

Masasabing naimpeksiyon ang sugat kapag ito ay namula, namaga at kumikirot o may nana at nagsisimulang bumaho. Masasabing kumakalat na sa ibang bahagi ng katawan ang impeksiyon kapag nagsanhi na ito ng lagnat, mapulang guhit sa ibabaw ng sugat o namamaga o kumikirot ang mga kulani.


Paggamot ng sugat:

  • Lagyan ng mainit na pantapal ang sugat sa loob ng 20 minuto nang apat na beses sa isang araw

  • Ilubog ang naimpeksiyong bahagi ng katawan sa balde ng mainit na tubig na may sabon o potassium permanganate (isang kutsarita sa isang balde)

  • Hayaang nakapahinga at nakataas ang naimpeksiyong bahagi

  • Kapag malala ang impeksiyon o kapag hindi nabakunahan ng gamot laban sa tetano, gumamit ng antibiotic tulad ng penicillin

Agad humingi ng tulong sa doktor kapag ang sugat ay bumaho, may lumalabas na kulay kape o abuhing katas, ang balat sa paligid nito ay umiitim at bumubula o nagkakapaltos dahil maaaring ito ay gangrena.


Pangangalaga sa ganitong uri ng napakalubhang sugat:

  • Hugasang mabuti ang sugat sa pinakuluang tubig sa sabon

  • Alisin ang lahat ng pira-pirasong dumi, namuong dugo at bulok o laman na grabe ang pinsala

  • Tanggalin ang dumi sa pamamagitan ng heringgilya o suction bulb

  • Banyusan ang sugat ng tubig na may potassium permanganate (1 kutsarita sa isang balde). Pagkaraan ay pahiran ang sugat ng gentian violet o lagyan ng kaunting antibiotic at balutan ng malinis na benda

  • Kung masyadong malalim ang sugat dahil sa kagat o kung malamang na may dumi pa ito, gumamit ng antibiotic. Ang pinakamahusay ay ang ampicillin. Kung hindi kayang bumili ng ampicillin, gumamit ng penicillin, tetracycline o sulfa

  • Huwag sasarhan ang ganitong uri ng sugat sa pamamagitan ng tahi o hugis paruparong benda. Hayaang nakabuka ang sugat

Napakalaki ng panganib na magkaroon ng tetano ang mga taong hindi nabakunahan laban sa nakamamatay na sakit na ito. Upang mabawasan ang panganib, ang taong hindi nabakunahan laban sa tetano ay dapat gumamit agad ng penicillin o ampicillin o pagkaraang magkaroon ng sugat na may ganitong uri, kahit na maliit lamang ang kapinsalaan.


Kung ang sugat na may ganitong uri ay malalang-malala, ang taong hindi pa nabakunahan laban sa tetano ay dapat gumamit ng mataas na dosis ng penicillin o ampicillin sa loob ng isang linggo o higit pa. Ang antitoxin sa tetano ay dapat ding isaalang-alang ngunit, tiyaking susundin ang mga kinakailangang pag-iingat sa paggamit nito.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page