ni Madel Moratillo | July 21, 2020
Viral ngayon sa social media ang ilang aksidente sa motorsiklo dahil umano sa shield barrier na ipinatutupad ng pamahalaan.
Sa inilabas na panuntunan ng Inter-Agency Task Force, kung walang barrier, hindi maaaring mag-angkas sa motorsiklo bilang pag-iingat sa COVID-19.
Sa ilang larawan sa social media, sa kahabaan ng Shaw Boulevard sa Mandaluyong City, nagtamo ng minor injury ang driver ng motorsiklo at angkas nito.
Ayon sa driver, hinangin ang kanilang barrier kaya nawalan siya ng kontrol sa motorsiklo. Ganito rin ang nangyari sa rider at angkas nito na naaksidente naman sa kahabaan ng Makati Avenue.
Hinangin din umano ang barrier kaya napihit ang silinyador na naging dahilan ng aksidente.
Una rito, marami ang pumuna sa pagpapatupad ng barrier na takaw disgrasya lang umano.
Si Cavite Gov. Jonvic Remulla, iginiit na sinumang nagmungkahi sa nasabing barrier ay hindi pa nakakasakay ng motorsiklo.
Comments