top of page
Search
BULGAR

Hinamon ng netizens na mag-commute… GOMA, 2 ORAS NA-TRAFFIC, EDSA BUS LANE PINABUBUKSAN

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | August 31, 2024


Showbiz news

Umani ng samu’t saring batikos ang aktor at Ormoc representative na si Richard Gomez matapos niyang ibahagi sa socmed (social media) ang karanasan niya nang maipit sa traffic sa EDSA. 


Pagkaraan niyang mag-post sa Facebook (FB) tungkol sa hirap sa trapiko nitong Huwebes, August 29, 2024, inirereklamo ng mambabatas ang mabagal na usad ng mga sasakyan sa EDSA, gayung mabilis at maluwag naman daw ang daloy sa parte ng bus lane.


Reklamo ng actor-politician, humigit-kumulang dalawang oras na siyang naiipit sa mabigat na traffic sa EDSA at hindi pa rin siya nakararating sa kanyang patutunguhan, kaya’t suhestiyon ni Richard, bakit hindi na lang buksan ang bus lane para sa ibang mga sasakyan tuwing mabigat ang daloy ng trapiko, para kahit paano ay lumuwag ang traffic.


Ayon sa post ni Cong. Goma, “2 hours in EDSA traffic and counting. From Makati, Ayala, nasa SM EDSA pa lang ako up to now. Eh, QC ang punta ko, 1 or 2 hours pa ba? Ilang bus lang ang gumagamit ng bus lane, bakit ‘di buksan during heavy traffic para mas lumuwag ang traffic?”


Napagtanto marahil ni Richard na 'di makatarungan ang kanyang reklamo sa socmed at agad naman niyang binura, ngunit marami na sa mga netizens ang nakapag-screenshot nito at ini-repost sa socmed. 


Mabilis na nag-viral sa social media ang FB post na ito ni Richard, kung saan marami sa mga netizens ang nadismaya sa anila’y pagiging “entitled” nito. Sabi pa nga ng iba, hindi porke't congressman siya’y may karapatan siyang magreklamo at sundin ng mga enforcers ang kanyang demand.


Tweet ng isang netizen (published as is), “Wow, Richard Gomez. Just wow. Eh, kung sumakay ka nalang kaya ng bus? Nakakahiya naman sa ‘yo na may sariling sasakyan at mas komportable kesa sa amin na nagsisiksikan makauwi lang, ha.”


Sabi pa ng iba, dahil naranasan niyang masangkot sa higpit ng trapiko, imbes na magreklamo, bakit hindi na lang magpasa ng batas na makatutulong sa matagal nang pinoproblema ng libu-libong commuters sa Metro Manila dala ng traffic?


Buwelta ng isang netizen, “Hello, Richard Gomez also known as Cong. GOMA. Ba’t kaming commuter pa mag-a-adjust? What if mag-propose kayo ng bill na hindi pahirap sa mga commuters? Please, guys stop voting entitled and out of touch politicians. Take the bus challenge please for @1richardgomez1.”


Sabi pa ng isa, “Nakakahawa ang pagiging TRAPO. ‘Yung isang araw mong naranasan, araw-araw na kalbaryo ng ordinaryong Pilipino. Kulang pa nga ang bus lane kung tutuusin para ibigay ang nararapat sa Filipino commuter. Ibang klase ka, Richard Gomez.”


Hamon pa ng ilan sa kongresista, subukan nitong mag-commute gaya ng ginagawa ng karamihan para maranasan niya ang hirap, pagod at pasakit sa ilang oras na pananatili sa kalsada dahil sa mabigat na trapiko.


“At dahil sa EDSA traffic rant ni Richard Gomez, dapat talaga required mag-public transport once a week ang LAHAT ng public officials. ‘Wag TNVS (Transportation Network Vehicle Service), ha? Jeep, bus, MRT, tignan natin ilan sa kanila ang magra-rant na pagod na bago pa makarating sa opisina,” sey ng isa.


 

BFF pa ni Kris ang todo-tanggol… JAMES, TAMEME LANG SA PAMBA-BASH NA BADING SI BIMBY


Showbiz news

Ayon sa malapit na kaibigan at tagapagtanggol ng pamilya Aquino na si Dindo Balares, dating Entertainment editor ng Balita, pinaninindigan nito ang pagiging “straight” ng anak ni Kris Aquino na si Bimby Yap base sa kanyang post sa Instagram (IG) noong August 23, 2024. 


May ilang netizens kasi ang pumupuna sa pagiging “malamya” ng anak ni James Yap kay Kris, subalit pinangangatawanan at ipinaglalaban ni Dindo na nakasubaybay sa paglaki ni Bimby na walang dudang straight ang 17-anyos nang binata.


Nakapag-react si Dindo matapos lumabas sa Facebook (FB) ang ilang larawan ng gay couple na ang isa ay kamukha umano ni Bimby, habang naghahalikan sa tabi ng beach. 

Aniya, hawig lang ni Bimby ang guy sa photo at hindi si Bimby mismo.


Depensa ni Dindo, “Pati mga kaibigan ko sa entertainment media, nagme-message at nagtatanong tuloy sa ‘kin (kahit madaling-araw) kung si Bimby daw ba talaga ang nasa photos sa lumabas na fake news. Imagine, kung pati journalists nga, nagdadalawang-isip at halos makapaniwala na ng fake news, eh, di lalo na ang publiko.


“Sa comment threads (@), as usual, andami nang homophobic condemnations, judgments, at mahahalay na sinasabi. Sa photos na galing pala sa post na kuha sa engagement sa beach ng masayang gay couple, parang may hawig kasi kay Bimb ang isa dahil sa built ng katawan, eyeglasses, at pati gupit ng buhok. Kagamit-gamit para kumita sa social media.


“Pero ‘di si Bimb ‘yan. Napakarami kong kaibigang gays at madalas silang magkuwentuhan kung tunay na lalaki o closet queen ang isang minchung. (Ang lumang word, hahahaha! Sorry na agad, mga kapatid! Hahahaha!)”


Ayon kay Dindo, noong baguhan pa lamang siya sa showbiz ay naranasan din niyang “ma-scrutinize muna ng mga batikan at beteranong showbiz writers kung straight ba talaga o "ateng" din. At sa tagal na raw niya sa entertainment beat, natuto na rin siya kung paano “umamoy ng closet queen”. Pinangangatawanan ni Dindo, “Straight si Bim.”


Well, napuna lang namin, mabuti pa si Dindo at naipagtanggol si Bimby, pero bakit kaya si James Yap, nananahimik lang at 'di man lang maidepensa ang anak sa mga bashers nito?

 


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page