ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 27, 2021
Dumating na sa bansa ang mahigit 375,000 doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine mula sa COVAX Facility. May kabuuang bilang na 375,570 doses ng Pfizer COVID-19 vaccines ang dumating sa bansa at noong Lunes, bandang alas-9:20 nang gabi, lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Air Hong Kong flight na may lulan ng 272,610 doses nito.
Dumating naman sa Mactan-Cebu International Airport ang 51,480 doses ng naturang bakuna kahapon, bandang alas-6:35 PM. Ngayong Martes naman dadalhin sa Davao International Airport ang 51,480 doses pa ng Pfizer vaccines.
Samantala, sa kabuuan ay umabot na sa 17,202,421 doses ng mga bakuna laban sa COVID-19 ang naiturok na simula nang mag-umpisa ang vaccination program ng pamahalaan, ayon sa Department of Health (DOH) kung saan pumalo sa 11,113,107 shots ang para sa unang dose at 6,089,314 naman ang para sa second dose.
Comments