ni Jasmin Joy Evangelista | September 23, 2021
Umabot na sa mahigit 14,000 ang mga lumabag sa minimum health protocol sa lalawigan ng Pampanga sa loob ng mahigit isang buwan.
Mula Agosto 2 hanggang Setyembre 15, pumalo sa 14,528 ang naarestong lumabag sa minimum health protocol, batay sa tala ng Pampanga Provincial Police Office.
Sa bilang na ito, 10,769 ang nahuling hindi nagsusuot ng face mask at face shield, habang nasa 694 naman ang lumabag sa physical distancing.
Mayroon ding 600 lumabag sa curfew, habang 2,239 ang lumabag na nga sa curfew, wala pang suot na face mask.
Agad din naman daw pinapalaya ang mga nahuhuli matapos kunan ng picture dahil congested na ang kanilang detention facility, ayon kay Police Lt. Col. Dederick Relativo.
“Nire-release natin because of the congested detention facility natin kaya dino-document natin sila, pini-picturan natin sila tsaka natin sinasampa yung kaso thru regular filing," aniya.
Nilinaw din ng pulisya na sa kabila ng mataas na bilang ng mga violations ay may nakita na silang improvement o pagbabago rito.
Dagdag pa ni Relativo, seryoso ang pagsasampa nila ng kaso sa mga lumabag sa protocols at katunayan, nasa 1,729 violators na ang nasampahan nila ng kaso.
Comments