ni Gerard Arce @Sports | August 27, 2024
Mga laro ngayong Martes
(FilOil EcoOil Centre) Quarterfinals
4 n.h. – PLDT vs Chery Tiggo
6 n.g. – Creamline vs Petro Gazz
Magkakaharapang mga koponang nasa kalagitnaan ng team standings para umusad sa susunod na round sa pagtatapat ng No.4 seed PLDT High Speed Hitters at No.5 Chery Tiggo Crossovers sa pambungad na laro at bakbakan ng No.3 Creamline Cool Smashers at No.6 Petro Gazz Angels sa main game ng knockout quarterfinal match ngayong araw sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Kung sisipatin ay pare-parehong patas ang kapasidad ng apat na koponan na nagkumpulan sa gitna sa pagtatapos ng crossover-elimination round, habang nauna ng makausad ang top-two spots na Akari Chargers at Cignal HD Spikers matapos payukuin sa magkahiwalay na tagpo ang No.8 seed na Farm Fresh Foxies sa 4th set at ang sorpresang No.7 seed na Capital1 Solar Spikers sa makapigil-hiningang five setter, ayon sa pagkakasunod.
Minsang pinataob ng Chery Tiggo ang PLDT sa dikdikang five set panalo noong Agosto 3 sa 25-19, 20-25, 25-20, 21-25, 15-10 kasunod ng 39 puntos na pagsabog ni import Katherine Bell, habang nakaligtas ang Angels laban sa Creamline noong Agosto 13 sa isa pang fifth set na nagtapos sa 25-23, 25-19, 20-25, 23-25, 15-12 na pinagtulungang buhatin nina import Wilma Salas at reigning MVP Brooke Van Sickle.
Paniguradong muling sasandalan ni PLDT coach Rald Ricafort ang mga bataan na sina import Elena Samoilenko at mga lokal na sina Erika Santos, Fiola Ceballos, Majoy Baron, Mika Reyes, Jovie Prado at ace playmaker Kim Fajardo, habang sasandalan ni coach Kungfu Reyes at ng Chery Tiggo ang import na si Bell, kasama sina Ara Galang, Mylene Paat, Pauline Gaston, Seth Rodriguez, Shaya Adorador, Mary Rhose Dapol at Jasmine Nabor.
Comments