ni Anthony E. Servinio @Sports | Oct. 11, 2024
Photo: Golden State Warriors / Official Page
Naitala ng bisitang Golden State Warriors ang kanilang pangalawang panalo ngayong NBA Preseason at tinalo ang Sacramento Kings, 122-112 sa Golden 1 Center kahapon. Nagpasikat ang mga bagong-lipat na bituin subalit umagaw ng pansin ang rookie na si kabayan Boogie Ellis ng Kings.
Bumuhos ng 22 puntos sa 19 minuto para sa Warriors si Buddy Hield na galing Philadelphia 76ers. Naglaro lang sa unang half si Stephen Curry at nag-ambag ng 13 pero lamang ang Kings, 68-66.
Namuno sa kanyang unang laro bilang King si dating Chicago Bull DeMar DeRozan na may 15 sa unang half lahat. Sa pangatlong quarter ipinasok si Ellis at bumira agad ng dalawang three-points patungong 10 sa 16 minuto.
Si Ellis ay katatapos lang ng kanyang ika-lima at huling taon sa University of Southern California kung saan pinangunahan ang Trojans na may 16.5 puntos sa 29 laro bilang kapitan. Hindi siya napili sa NBA Draft noong Hulyo kumpara sa kakamping Bronny James na napunta sa Los Angeles Lakers matapos gumawa lang ng 4.8 puntos sa nag-iisang taon sa kolehiyo.
Dahil dito, nagbakasakali ang 6'3" guwardiya sa Sacramento kung saan bahagi ng coaching staff ang PBA at Gilas Pilipinas alamat Jimmy Alapag. Ang kanyang nanay Rowena ay Filipina.
Wagi ang Warriors sa kanilang unang laro noong Linggo kung saan dinaig nila ang LA Clippers, 91-90. Ipinasok ni Lindy Waters III ang tres sabay ng huling busina sa laro na ginanap sa Stan Sheriff Center ng Honolulu, Hawaii.
Samantala, napanood kung ano ang magagawa nina Victor Wembanyama at Chris Paul at binigo ng San Antonio Spurs ang Orlando Magic, 107-97. Hindi naglaro ng tambalan sa unang laro ng Spurs na 107-112 talo sa Oklahoma City Thunder noong Martes at bumawi sila ngayon na may ipinagsamang 16 puntos.
Comments