ni Lolet Abania | May 20, 2022
Muling pinatunayan ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz na walang makapipigil sa kanya habang nadagdagan pa ang gintong medalya na kanyang nakolekta mula sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ngayong Biyernes, tinapos ng kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas, ang women’s weightlifting 55 kg event at nasungkit ni Diaz ang gintong medalya para sa 31st SEA Games.
Binuhat ni Diaz ang kabuuang 206 kg sa event matapos makakuha ng 92 kg in snatch at 114 kg in clean and jerk. Sinubukan niyang mag-set ng bagong SEA Games record ng 121 kg para sa clean and jerk, pero nabigo siyang gawin ito.
Sinira naman ni Diaz ang dating SEA Games record na kanyang nakuha para sa snatch ng 91 kg, ngunit kalaunan ay nasira ito ng isa pang weightlifter.
Nakalaban ni Diaz ang limang lifters, kabilang na rito si Sanikun Tanasan ng Thailand, na isa ring gold medalist mula sa 2016 Rio Olympics, bagaman ito ay nasa lighter weight class.
Ito na ang ikalawang gold medal ni Diaz sa biennial meet matapos na makuha ang isang medalya noong 2019 edition na ginanap sa Pilipinas. Nakamit din niya ang silver medals mula sa 2011 at 2013 edition, at bronze noong 2007 sa Thailand.
Comments