ni Grace Poe - @Poesible | May 24, 2021
Nagpahayag ang Inter-Agency Task Force na hindi na ia-anunsiyo ang tatak ng bakunang ituturok sa bawat vaccination centers. Ito ay matapos ng pagkumpol ng mga tao para mabakunahan ng isang brand na gusto ng marami na matanggap sa isang bayan sa Kamaynilaan. Para iwasan ang pagpili ng tatak, iniatas na malalaman ng tao kung ano ang ibibigay sa kanya sa pagpirma na ng consent form.
Pinaiigting natin ang pagbabakuna para magkaroon ng herd immunity ang ating bansa. Ibig sabihin, marami na sa ating mga mamamayan ang may antibodies panlaban sa virus, sapat para hindi na tayo lubhang maapektuhan nito.
Dalawa ang malaking hamon sa atin: una, limitado ang supply ng bakuna. Maraming nagrereklamo sa alokasyon ng bawat local government unit (LGU) dahil kulang na kulang. Ikalawa, maging ang mga ubra na sanang bakunahan, may agam-agam na epektibo ang bakuna kaya ayaw magpaturok.
Naniniwala tayong napakahalaga sa puntong ito na paigtingin ng Department of Health (DOH) ang edukasyon tungkol sa bakuna at sa bawat brand na mayroon dito sa Pilipinas. Kailangang maunawaan ng mga mamamayan na ligtas at mabisa ang bawat bakuna sa paglaban sa COVID-19.
Ang bawat bakuna ay may iba-ibang pormulasyon. Gayunman, ayon sa mga pag-aaral, lahat naman ay epektibo laban sa severe case ng COVID-19 infection.
Kailangang maipalagay ang loob ng ating mga kababayan na hindi sila bibigyan ng bakunang hindi ligtas sa kanila. Nagbabakuna tayo para sa proteksiyon ng ating mamamayan. Kailangan nila ng garantiya na hindi gagawa ang pamahalaan ng hakbang na hindi para sa kanilang kabutihan.
Panahon din ito para sawayin ang mga walang magawa kundi magkalat ng misimpormasyon. Sa social media, merong naglalabas ng mga walang basehan at katotohanang mga kuwento para takutin ang mga tao tungkol sa pagbabakuna. Mga bes, hindi kayo nakakatulong. Kung ayaw magpabakuna, irerespeto ang inyong desisyon, pero huwag maghasik ng kamangmangan para pigilan ang ilan na naniniwala rito.
Karapatan ng bawat isa ang magpasya kung ano makabubuti para sa kanilang sarili at kung ano ang ipapasok nila sa kanilang katawan. Alamin ang pakinabang ng bawat bakuna bago ito tanggihan. Isaalang-alang natin ang napakaraming taong namatay na umaasang mabakunahan pero hindi na nila inabutan ito.
Gawin natin ang ating parte para makamit ng bansa natin ang herd immunity laban sa COVID-19.
Comments