top of page
Search

Heat wave, delikado sa kalusugan, ingat!

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 4, 2025



Boses by Ryan Sison

Ngayong papasok na tayo sa tag-init dapat sigurong paghandaan na rin nating lahat ito upang hindi tayo tamaan ng anumang sakit. 


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), naitala ang pagtaas ng heat index sa bansa na umabot sa 33-41°C, habang maaaring umabot sa 42-51°C na atin namang mararamdaman sa pagsapit ng hapon.


Nagpaalala rin ang Department of Health (DOH) na sikaping maging ligtas ngayong summer season sa pamamagitan ng palagiang pag-inom ng tubig at manatili na lamang sa loob ng bahay kung hindi naman kinakailangang lumabas upang makaiwas sa masamang epekto ng init na dala ng panahon.


Paliwanag ng DOH, ang matagal na pagkakalantad sa init ng araw ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na pagkawala ng malay o kaya ay seizure o kombulsyon na maaaring ikamatay ng isang indibidwal kung hindi ginamot. 


Batay sa ulat, dahil sa heat wave kalahatian sa Metro Manila ay ipinatigil ang pagpasok ng mga estudyante at kinansela ang kanilang mga klase, kabilang dito ang ilang mga probinsya kahapon, habang aabot pa ang tindi ng init na mararamdaman ngayong araw.

Paalala ni DOH Secretary Teodoro J. Herbosa, kapag umabot o lumampas na ng 42 Celsius ang heat index, ‘danger’ na aniya ito, kaya dalasan ang pag-inom ng malinis na tubig at umiwas sa pagkalantad sa sikat ng araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.


Dulot ng maalinsangang panahon aniya, marami na namang sakit ang hindi maiiwasan katulad na lang ng heat cramps, heat exhaustion at sa malalang kaso ay ang heat stroke kung mananatiling expose o babad sa initan.


Marahil, lahat tayo ay kailangang magdoble-ingat ngayong ramdam na natin ang mainit na panahon, dahil walang pinipili ang sakit, maging bata man o matanda ay maaaring tamaan.


Hindi rin kasi biro ang heat wave na puwede nating maranasan, kung saan posibleng magdulot ng panganib sa ating kalusugan. 


Sakali namang makaranas na tayo o isa sa mga mahal natin sa buhay ng heat stroke, agad na maglagay ng basa o malamig na bimpo o panyo sa ating ulo, mukha, kili-kili, leeg, kamay, at sa bukong-bukong habang dahan-dahang uminom ng malamig na tubig.


Humingi rin tayo ng tulong para sa agarang lunas sa mga doktor o nurse.

Huwag sana natin itong balewalain, sa halip ay sundin natin ang mga payo ng mga health expert para hindi tayo mapahamak.


Lagi rin nating isipin na mahirap magkasakit kaya dapat ingatan nating maigi ang ating kalusugan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Комментарии


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page