top of page
Search
BULGAR

Hearsay na testimonya, ‘di oks gawing ebidensiya

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 13, 2024


Wala nang saysay ang buhay kung ikaw ay mahahatulan ng pagkakakulong habambuhay. Ang mga inaasam, minimithi para sa kinabukasan at pangarap ay maglalaho. Pero kung mayroon pang paraan, kung maaari pang iapela, at mayroong patunay na maaaring may mali sa pag-akusa, Manananggol Pambayan ay maaasahan.


Tulad sa kasong People of the Philippines vs. Winnie Garcia y Hernandez (CA-G.R. CR-HC No. 16687, August 30, 2023), sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Mariflor P. Punzalan-Castillo (3rd Division), kung saan niya sinukuan ang taong nasasakdal. Mabusising pinaghandaan, kanyang kaso na inapela ay inilaban. Sa huli, nakamit ang panalangin na kalayaan.


Si Winnie ay nasangkot diumano sa iligal na aktibidad na mayroong kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot. Nang maisampa ang kaso laban sa kanya, nagkasundo umano ang tagausig at depensa na ang mga sumusunod na testigo ay hindi na ipresenta: (1) PSSg. Catilo; (2) PSSg. Lumanglas; (3) Kagawad Baliwag; (4) PSSg. Majares; (5) PMAJ. Llacuna; (6) PSSg. Manalo; at (7) Atty. Perdiguerra.


Ayon sa bersyon ng tagausig, nagsagawa umano ng buy-bust operation sa isang barangay sa Batangas City bunsod ng impormasyon na nakuha ng Batangas City Police Station mula sa isang ‘asset’, alas-9:40 ng gabi noong Hulyo 4, 2019. 


Ayon umano sa asset, siya ay inalok ni Winnie ng shabu na nagkakahalaga ng P2,000.00 bawat gramo kung kukunin ito ng cash, at P2,400.00 bawat gramo kung kukunin ito sa pamamagitan ng consignment. Pumayag umano ang naturang asset na maging consignee ng shabu, pero ang bayad ay kanyang ibibigay sa oras na maibenta niya at ng kanyang pinsan ang droga. Sumang-ayon umano si Winnie at sinabihan ang asset na hintayin siya sa bahay nito. 


Si PCPL. Blanco diumano ang naatasan na tumayo bilang pinsan ng asset na siyang tatanggap ng droga at magbibigay ng napagkasunduang hudyat.


Nakarating diumano ang buy-bust team sa barangay hall alas-10:00 ng gabi at ipinaalam ang magaganap na operasyon. Ipinaalam din nila ang naturang operasyon sa kinatawan mula sa media at nagtungo na sa bahay ng asset. 


Dumating umano si Winnie sa bahay ng asset lulan ng motorsiklo. Ipinakilala umano ng asset si PCPL. Blanco kay Winnie bilang kanyang pinsan. 


Matapos mag-usap nina Winnie at ng asset, iniabot umano ni Winnie kay PCPL. Blanco ang 1 maliit na sobre na mayroong 2 sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu. Dahil dito, ibinigay umano ni PCPL. Blanco ang hudyat sa kanyang mga kasamahan, nagpakilala ito kay Winnie na siya ay isang pulis, doon na inaresto si Winnie at sinabihan ng kanyang mga karapatan.


Habang hinihintay ang mga sasaksi, minarkahan na umano ni PCPL. Blanco ang sachet at ang sobre, inilagay ang mga ito sa isang plastic bag at kanya nang ibinulsa. 


Ang pag-iimbentaryo ng nakuhang ebidensiya ay isinagawa diumano ni PCPL. Blanco sa harap ni Winnie at Barangay Kagawad Baliwag, alas-11:30 ng gabi. Inilagay diumano ni PCPL. Blanco ang mga ito sa isang plastic at minarkahan ng kanyang initials, petsa at pirma. 


Dinala si Winnie at ang mga ebidensiya sa istasyon ng pulis. Alas-11:55 ng gabi, nai-turn over umano ang mga ebidensiya kay case investigator PSSg. Catilo. 


Ibinigay umano ni PSSg. Catilo ang mga ebidensiya kay PSSg. Manjares ng Batangas Provincial Crime Laboratory Office (BPCLO), na ibinigay naman umano ang mga ito kay Forensic Chemist PMAJ. Llacuna na siyang sumuri at nagkumpirma ng presensya ng methamphetamine hydrochloride. Matapos ay inilipat diumano ang kustodiya at pag-iingat ng mga naturang ebidensiya kay PSSg. Manalo na siya umanong nagdala at nagbigay ng mga ito sa Regional Trial Court (RTC) noong Hulyo 19, 2019.


Batay naman sa testimonya ng akusadong si Winnie, noong Hulyo 4, 2019, alas-5:00 ng hapon, nasa car painting shop umano siya. Sinisingil niya raw ang isang nagngangalang Helson sa balanse nito para sa pagpapapintura ng bisikleta. Pinapunta umano siya ni Helson sa bahay nito upang doon kuhanin ang bayad. 


Alas-6:00 ng gabi, habang nag-uusap umano sila ni Helson, mayroong dumating na 4 na lalaking nakasibilyan.  Hinahanap diumano ng mga ito ang isang lalaki na hindi kilala ni Winnie, at bigla na lamang nila umanong sinaktan si Winnie. 


Alas-10:00 ng gabi, dinala na umano si Winnie sa istasyon ng pulis. Doon, muli na naman siyang sinaktan at pilit pinapaamin na isang siyang drug pusher.


Guilty sa paglabag sa Section 5, Article II ng R.A. No. 9165 ang naging hatol ng RTC kay Winnie at siya ay ginawaran ng hatol na life imprisonment at fine na P2,000,000.00, dahilan upang maghain ng apela si Winnie sa Court of Appeals (CA). 



Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page