ni Madel Moratillo | February 17, 2023
Matapos ang pagka-antala dahil sa COVID-19 pandemic, ipinagpatuloy na ang pagdinig sa kaso kaugnay sa kontrobersyal na Dengvaxia.
Kahapon, muling dininig ng Quezon City Regional Trial Court ang kasong reckless imprudence resulting in Homicide laban kay dating Health Sec. Janette Garin at iba pa kaugnay ito sa pagkamatay umano ng 8 bata matapos maturukan ng antidengue vaccine na Dengvaxia.
Ang 8 na ito ang unang batch ng Dengvaxia case na nakaakyat sa korte, mula sa 158 na nakabinbin pa sa Department of Justice.
Naging mainit ang pagdinig matapos igiit ng depensa na hindi competent ang testigo ng
prosekusyon na si Dr. Clarito Cairo, dating program manager ng Disease Prevention and Control Bureau ng DOH.
Giit naman ni Atty. Persida Rueda Acosta, Chief ng Public Attorney’s Office, abogado ng pamilya ng mga nasawi, mabigat na testigo si Cairo para patunayang may problema talaga sa Dengvaxia dahil siya ang program manager ng DOH nang ipatupad ang Dengvaxia vaccination.
Sinabi ni Cairo na minadali ang anti-dengue vaccination program noong 2016 dahil malapit na umano ang May Elections.
Binigyan-diin niya na hindi sinabi sa kanila ang mga seryosong adverse effects ng
bakuna at hindi rin sinabi na ito ay dapat na ibigay lang pala sa mga dati nang tinamaan ng dengue.
Ang sinabi lang umano sa kanila ay hindi muna dapat ibigay ang bakuna sa mga buntis at may sakit. Sa judicial affidavit ni Cairo na isinumite sa Korte, binanggit nito si Garin na nagapruba umano sa programa bilang ito ang pinuno ng kagawaran ng mga panahong iyon. Binaggit din niya ang iba pang opisyal noon ng kagawaran na kabilang sa aniya ay nagdesisyon sa programa.
Comments