top of page
Search
BULGAR

Healthcare system sa bansa, may dagdag-pondo sa 2021 national budget

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | January 16, 2021



Noong nakaraang pitak natin, binalangkas natin ang tungkol sa dagdag-pondong inilaan ng gobyerno sa ilalim ng P4.5 trilyong national budget ngayong 2021 para sa Philippine Children’s Medical Center o PCMC.


Idinagdag natin d’yan, nasabi na nga natin ay halos P900 milyon para masustentuhan ang kanilang mga bagong equipment, chemo para sa mga batang may cancer at heart surgery.


At upang mamintina na pangunahing prayoridad ng bagong pambansang budget ang kalusugan nating lahat, maging ang Philippine General Hospital at ang East Avenue Medical Center ay dinagdagan natin ng pondo sa ilalim pa rin ng 2021 nat’l budget.


Nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pambansang budget, napagtibay din ang increased budget ng PGH na umaabot ng P1.54-B. Isa ang PGH sa mga modernong tertiary government hospitals kaya’t talagang iginiit natin ang pagtutulak ng kanilang dagdag-pondo.


Ngayong dumaranas tayo ng pandemya at walang kasiguruhan sa COVID-19, higit nating kailangang gawan ng paraan upang mas mapalawak ang serbisyo ng ating government hospitals.


Para saan ang dagdag-pondo?


Base sa datos, mahigit 600,000 pasyente ang napagsisilbihan ng PGH kada taon.


At dahil dito, kailangang mapalawak ang kanilang kakayahan na tumanggap ng mga pasyenteng nangangailangan ng matitinding tulong-medikal. Partikular ang mga kababayan nating kailangang sumailalim sa heart surgery.


Isa ang sakit sa puso sa mga karamdamang may pinakamataas na mortality sa bansa. Marami ang namamatay sa sakit na ito dahil sa kawalan ng kakayahang makapagpagamot o makapagpa-opera.


Sa kasalukuyan, tinatayang 50 pasyente kada taon ang sumasailalim sa heart surgery sa PGH. Pero dahil sa dagdag-pondo para sa kanila, magkakaroon na sila ng kakayanang makagawa nang hanggang 200 heart surgeries ngayong 2021.


Liban pa riyan, maisasakatuparan na rin ng PGH ang layunin nilang makapagpatayo ng multi-specialty facility. Ang pasilidad na ito ay nakalaan para sa mga pasyenteng nangangailangan ng espesyalista sa renal care, sa mga karamdamang may kinalaman sa pag-iisip, sa balat, sa neuroscience at advance laboratory services.


Maaari na rin nilang maumpisahan ang konstruksiyon ng kanilang microbial bank na susuporta sa research and development activities ng PGH.


Isa rin sa mga government hospital na pinagkalooban ng dagdag-pondo ngayong taon ang East Avenue Medical Center.


Sa pamamagitan ng kanilang dagdag budget, mapopondohan na nila ang pagtatayo ng radiation center para sa kanilang cancer patients.


Tinatayang 37 milyon din ang pondong inilaan upang makapagsagawa ang EAMC ng RT-PCR tests para sa COVID, at P124 milyon para sa pagbili ng laboratory network commodities.


Higit sa lahat, kaya tayo nagsulong na dagdagan din ang kanilang pondo ay para makabili rin sila ng dagdag na 20 dialysis machines bilang suporta sa 15 machines na ginagamit ngayon ng EAMC.


Lahat ng maaari nating gawin para mapalakas ang sistemang pangkalusugan ng bansa ay isusulong natin. ‘Yan ang natatanging paraan upang mapaghandaan natin ang mga kasalukuyang krisis at ang mga posibleng danasin pa natin sa mga darating na panahon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page