ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 3, 2024
Muli na namang umuusbong ang iba’t ibang nakahahawang sakit. Kamakailan lang ay naobserbahan natin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng pertussis at tigdas.
Bagama’t wala namang surge sa mga hospital admissions sa buong bansa, nakita natin na dumarami ang bilang ng mga kaso kaya may ilang local government units na nagdeklara ng pertussis outbreak.
Dahil dito, bilang tayo ang Chair ng Senate Committee on Health, patuloy nating isusulong sa Senado ang mga panukalang batas na magpapalakas sa ating healthcare system. Isinumite natin ang Senate Bill No. 195 na naglalayon na magtatag ng Center for Disease Control and Prevention, at ang SBN 196 para naman likhain ang Virology Science and Technology Institute. Pareho itong nakadisenyo para mas mapalakas pa ang ating public healthcare sector dahil dapat na matuto na tayo sa mga pagsubok na inihatid sa atin ng COVID-19. Dapat nating tiyakin na hindi na uli tayo mabubulaga, hindi handa, kulang sa kagamitan at mga tauhan sa paglaban sa mga sakit na magiging banta sa kalusugan nating mga Pilipino sa hinaharap.
Bilang mga experts sa infectious diseases, ang CDC ang mangunguna sa pagsugpo sa lahat ng banta sa kalusugan ng ating mga mamamayan. Ngayon na ang tamang panahon na magkaroon tayo ng sariling CDC kung maisabatas ito.
Ang virology institute naman, kung maisabatas, ay maaaring magbigay sa atin ng kakayahan na mag-produce ng ating sariling bakuna. One-step ahead dapat tayo para hindi na tayo mabigla kung may darating na mga future public health emergencies. Sa dalawang taon na pakikipaglaban natin sa COVID-19 pandemic, nalaman natin na ang isa sa pinakamalaking kahinaan ng ating healthcare system ay ang kawalan natin ng kakayahan na makagawa ng sarili nating bakuna laban sa iba’t ibang sakit.
Tulad ng ating mga natutunan sa pandemya, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman, pag-iingat, at pagtutulungan ng bawat isa. Dapat tayong magpatuloy sa pagbabakuna at pagsunod sa mga rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan.
Sa ginawang pagdinig naman kahapon, April 2, ng Senate Committee on Health na ating pinamumunuan ay inalam natin ang mga prayoridad ng pamahalaan pagdating sa kalusugan ng mga Pilipino tulad ng estado ng ating mga health facilities kasama ang pagpapatayo at pagsasaayos ng mga pampublikong ospital; paglulunsad ng mga Super Health Centers upang ilapit ang pangunahing serbisyong medikal sa mga komunidad; ang implementasyon ng Malasakit Centers Act upang matulungan ang mga mahihirap na pasyente; at ang paghahanda laban sa mga kasalukuyang sakit na nagiging banta sa ating kalusugan.Ayaw nating pasa nang pasa lang tayo ng mga local bills, lalo na ‘yung pagpapatayo ng mga bagong ospital at iba pang health facilities, kung hindi naman maa-assure tayo ng taga-Executive Department na mabibigyan ng sapat na pondo ang mga ito. Ayaw natin ng mga white elephants.
Gaya ng madalas kong sabihin, ang pagpapalakas sa ating healthcare system ay isang investment para sa hinaharap. Ipinakiusap ko rin na gamitin ang pera ng gobyerno sa mga mahihirap, at dapat ang mga mahihirap na kababayan natin ang makikinabang sa mga pampublikong ospital na ito. Unahin natin ang mga mahihirap, mga helpless at hopeless nating kababayan.
Binanggit ko rin ang pagsusulong ng kapakanan ng mga healthcare workers kasama na riyan ang pagbibigay ng long overdue na Health Emergency Allowance sa kanila. Hindi katanggap-tanggap na hanggang ngayon ay marami pa ring mga healthcare workers ang hindi nakakatanggap ng kanilang health emergency allowance. Services rendered na iyan. Maliit na halaga iyan kumpara sa serbisyo at sakripisyo ng ating mga frontliners.
Nakiusap tayo muli sa DOH at sa Department of Budget ang Management na aksyunan na agad ito dahil napakatagal nang hinihintay ‘yan! Kung may pondo naman, sana ay unahin natin ang mga bayani noong panahon ng pandemya. Hindi na nila kailangan magmakaawa pa para makuha ang dapat na sa kanila. Pera naman ‘yan ng taumbayan, hindi naman natin pera ‘yan!
Hindi ako ‘yung tipo ng pulitiko na nangangako at hindi niyo ako maririnig na mangangako. Ngunit, gagawin ko lang ang aking trabaho at magseserbisyo ako sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya. Saang sulok man ng bansa ay napuntahan ko na, mula Batanes hanggang Jolo, hanggang Tawi-Tawi, mula sa Palawan sa kanlurang bahagi ng bansa hanggang Samar sa Silangan, para maghatid ng maayos na serbisyo. Ito ay dahil hindi ko matiis na paupo-upo lang sa aking opisina habang maraming mga kababayan natin ang naghihirap. Makatulong man lang.
Bukod sa trabaho sa loob ng Senado, walang tigil din ang ating paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Kahapon, April 2, ay ipinadala ko ang aking Malasakit Team sa Rizal, Piat at Enrile, mga bayan sa Cagayan upang maghatid ng tulong sa 350 maliliit na negosyante na ang kabuhayan ay naapektuhan ng mga kalamidad kasama sina Rizal Mayor Joel Ruma, Enrile Mayor Miguel Decena, Jr., at Piat Mayor Leonel Guzman. Nakatanggap ang mga ito ng tulong pangkabuhayan mula sa national government.
Nagpakain naman ang aking opisina para sa mga kamag-anak ng mga pasyenteng nakapila sa Malasakit Center sa Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital sa Rodriguez, Rizal at sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City.
Patuloy nating ilapit ang serbisyo medikal mula sa gobyerno sa mga taong nangangailangan nito lalo na sa mga mahihirap at walang ibang malalapitan. Pera naman ng taumbayan ‘yan, ibalik dapat sa kanila sa pamamagitan ng maayos na serbisyong pangkalusugan.
Bilang Mr. Malasakit, nagpapaalala naman ako sa lahat na ingatan ang kalusugan lalo ngayong napakainit ng panahon at maraming mga sakit na kumakalat. Mag-ingat tayo para sa ating sarili, sa ating kalusugan at maging ng ating komunidad. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Sa abot ng aking makakaya ay magseserbisyo ako sa aking kapwa Pilipino dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments