top of page
Search
BULGAR

Healthcare system, palakasin at ilapit ang serbisyong medikal sa komunidad

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 16, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Noong panahon ng pandemya, nabulaga ang buong mundo sa lawak at tindi ng impact ng COVID-19. 


Tulad sa ibang bansa, nabigla ang ating buong health sector nang magkaubusan ng medical supplies, magkasakit ang mismong healthcare workers, at magkulang ang mga pasilidad. Siksikan noon sa mga ospital, naghati-hati sa iisang kama ang mga pasyente, habang ang iba ay sa mga pasilyo at parking lot na nilalapatan ng lunas.


Sabi nga, “Experience is the best teacher.” Kaya bilang chair ng Committee on Health, isinusulong ng inyong Senator Kuya Bong Go na maging mas handa tayo sa anumang krisis pangkalusugan na maaaring dumating. Hindi natin alam kung ang COVID-19 ba ang huling pandemya na darating sa ating buhay kaya mas mabuting ready tayo. The more we should invest in health!


Kaya napakaimportante na mag-invest tayo sa pagpapatayo at improvement ng mga health facilities upang mapalakas pa ang ating healthcare system. Ginagawa ko sa ating kapasidad na madagdagan at mapabuti pa ang mga medical facilities sa iba’t ibang komunidad.  


Noong June 16 ay binisita natin ang itinayong Ibajay District Hospital Emergency Complex sa Ibajay, Aklan, isang proyektong ating sinuportahan bilang vice chair ng Senate Committee on Finance. Dahil malapit ang ospital na ito sa mga tourist destination gaya ng Boracay Island at Kalibo, bukod sa mga residente ay mabibigyan din ng sapat na serbisyong medikal ang ating mga bisita. Pinuntahan din natin noong araw na iyon ang itinatayong Super Health Center sa Ibajay.


Noong June 17 ay sinaksihan naman natin ang inagurasyon at pormal na pagbubukas ng itinayo na Super Health Center sa Agoncillo, Batangas.


Ang Super Health Centers ay nagkakaloob ng primary health services gaya ng konsultasyon, diagnostics, pangangalaga sa mga buntis at bagong silang na sanggol, pagbabakuna at iba pang serbisyong medikal.


Malaki ang papel nito para matiyak na ang mga residente ay may access sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan nang hindi na kailangang bumiyahe pa papunta sa malalayong ospital kaya mas mabilis silang malalapatan ng lunas. Sa kasalukuyan ay mayroon nang 700 SHCs sa buong bansa na napondohan sa ating pagsisikap katuwang ang DOH, mga lokal na opisyal at mga kapwa ko mambabatas.


Sinuportahan din natin ang plano ng Naga City General Hospital sa Camarines Sur na maglunsad ng dialysis center. Sa pamamagitan natin ay napondohan ang mga kinakailangang medical equipment para sa mga nangangailangan ng regular na dialysis treatment.


Patuloy din ang ating pagsuporta sa implementasyon ng Malasakit Centers Act na aking pangunahing ini-sponsor at iniakda upang maging madali ang pagkuha ng medical assistance mula sa gobyerno. Sa kasalukuyan, mayroon nang 165 Malasakit Centers sa buong bansa. Naisulong din natin ang pagsasabatas ng Regional Specialty Centers Act na aking pangunahing ini-sponsor at isa sa may akda upang ilapit ang specialized health services sa bawat rehiyon sa bansa.


Hindi rin tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Habang nasa Aklan tayo noong June 16 ay pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong sa 2,000 residente ng Ibajay katuwang sina Governor Joen Miraflores at Mayor Jose Miguel Miraflores. Naging panauhin tayo sa opening ceremony ng Liga ng mga Barangay-Guimaras Chapter Provincial Congress na ginanap sa Boracay Island sa paanyaya ni LNB President Marcelo Malones Jr. Bago matapos ang araw, dumalo rin ako sa Floral Artists of Davao’s Padre de Familia exhibit sa San Juan City.


Sa Batangas noong June 17, binisita natin ang itinayong evacuation center sa Agoncillo kasama sina Cong. Maitet Collantes, Vice Gov. Mark Leviste, at Mayor Cindy Reyes bukod sa Super Health Center doon. May dagdag na tulong tayo sa 500 residenteng nawalan ng hanapbuhay sa Agoncillo na mabibigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Dumiretso naman tayo sa bayan ng Laurel kasama sina Mayor Lyndon Bruce, Vice Mayor Aries, mga konsehal, barangay captain at SK members para sa isang boodle fight lunch bilang pagdiriwang ng Tilapia Festival sa lugar. Pagkatapos ay nagkaloob tayo ng tulong sa 550 benepisyaryo na nabigyan din ng pansamantalang trabaho ng DOLE.


Nasa Davao Oriental naman tayo kahapon, June 18, at nag-inspeksyon sa itinatayong Super Health Center sa Tarragona. Kasabay ng pagpupunyagi ng 58th Araw ng Tarragona, pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong para sa humigit-kumulang 1,500 mahihirap na residente sa lugar, bukod pa ang 500 na mangingisda na nabigyan din ng DOLE ng tulong. Matapos ito ay dumiretso tayo sa Banaybanay na nagdidiwang din ng kanilang araw ng pagkakatatag, at namahagi ng tulong sa mahigit 2 libong mahihirap na residente, at tulong pinansyal sa halos 2,500 benepisyaryo sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan. Nakisaya rin tayo sa 58th Araw ng San Isidro sa paanyaya ni Mayor Arnel Sitoy. 


Sinaksihan naman ng aking opisina kasama si Mayor Marisa Red-Martinez ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Santa Cruz, Marinduque, at dumalo rin sa Liga ng mga Barangay-Leyte Chapter Provincial Congress.


Naghatid din ang aking Malasakit Team ng tulong para sa mahihirap na residente sa iba’t ibang lugar katulad ng 1,000 sa Gabaldon, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos; 453 sa Roxas, Oriental Mindoro kasama si Mayor Leo Cusi; at 200 sa San Vicente, Northern Samar kaagapay si Mayor Egay Catarongan. Namahagi rin tayo ng dagdag na tulong sa 225 TESDA Scholars mula sa Tacloban City.


Ngayong panahon ng tag-ulan na uso ang iba’t ibang sakit, magtulungan tayo para maingatan ang ating kalusugan dahil ang katumbas niyan ay buhay ng bawat Pilipino. Mahal na mahal ko ang aking kapwa Pilipino higit pa sa aking sarili, kaya naman patuloy ang aking pagsuporta sa pagsusulong ng mga proyekto at programa na magbibigay ng mas maginhawa at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan.


Ito ang aking bisyo, ang magserbisyo! At naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page