ni Mary Gutierrez Almirañez | February 28, 2021
Pangungunahan umano nina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos Jr. ang pagbabakuna sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City bukas, ika-1 ng Marso, sa ganap na 9:30 ng umaga.
Isa ang Lung Center sa mga referral hospital ng mga pasyenteng may COVID-19 at kabilang sa mga ospital na makakatanggap ng Sinovac.
Batay sa survey, halos 82% hanggang 90% sa mahigit 1,400 empleyado ng Lung Center ang pumayag na mabakunahan ng Pfizer, ayon sa tagapagsalita ng ospital na si Dr. Norberto Francisco.
Wala pang partikular na survey para sa Sinovac at Astrazenica na kapwa parating na sa bansa. Ganunpaman, patuloy pa rin ang information drive sa ospital.
Samantala, 12% naman na mga frontliners sa Philippine General Hospital (PGH) ang pumapayag na maturukan ng Sinovac.
Nauna nang sinabi ng Food and Drug Administration na hindi mairerekomenda sa health care workers ang Sinovac, bagama't maaari naman silang magpaturok nito kung gugustuhin. Hindi rin sila mawawala sa priority list kapag dumating na ang bakunang gusto nila.
Sa kabilang dako, nananatili namang normal ang sitwasyon sa Veterans Memorial Medical Center kung saan dadalhin ang mga bakunang inilaan para sa mga sundalo.
Kaugnay nito, 40,000 doses ng Sinovac ang inaasahang ipapamahagi sa Boracay, ayon kay Malay Mayor Floribar Bautista. Aniya, para iyon sa tourism workers ng LGU at bahagi umano iyon ng kanilang paghahanda para sa pagbubukas ng Boracay sa international tourists.
Comments