@Editorial | May 27, 2021
Umabot na sa 85 porsiyento ng health workers sa buong bansa ang nabakunahan na kontra-COVID-19.
Ang nalalabing 15% na hindi pa natuturukan ay pawang mga barangay health workers at miyembro ng barangay health response team sa mga probinsiya at rehiyon na nag-aatubili pa umanong magpabakuna.
Kaya patuloy pa ang paghikayat sa kanila na magpabakuna na. Mahirap nga naman magkumbinse ng ating mga kababayan na magpabakuna kung sila mismong health workers ay tumatanggi sa iba’t ibang kadahilanan.
Samantala, magandang bagay na umabot na sa 85% ang mga naturukang doktor, nurse at ibang nasa kanilang hanay, dahil masasabing mas may laban na sila sa pandemyang ito.
Batid naman natin na sila ang nagsisilbi nating pananggalan kontra-COVID-19. Kailangang masiguro na sila rin ay napoproteksiyunan laban sa anumang banta sa kanilang kalusugan.
Sana’y hindi lang itong bakuna ang kanilang matanggap, kundi lahat ng benepisyo, bilang pasasalamat sa kanilang kabayanihan.
Wala na sanang isyu kaugnay sa umano’y mabagal at napakaliit na suweldo. Maunawaan sana lalo na ng ating gobyerno na hindi biro ang kanilang pinagdaraanan.
Lahat ng puwedeng makagaan sa kanilang pakiramdam o pamumuhay ay ibigay na, dahil walang katumbas ang kanilang sakripisyo ngayong pandemya.
Kommentare