@Editorial | May 22, 2021
Kasunod ng ipinatutupad na general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions sa National Capital Region Plus, dinagdagan naman ang bilang ng mga dadalo sa religious gatherings.
Ayon sa Inter-Agency Task Force, pinapayagan nang gawing 30 percent ang seating capacity sa mga religious venues sa mga lugar na nasa NCR Plus. Habang ang mga lugar na nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) ay maximum 10% ang seating capacity.
Magiging epektibo ang bagong kautusan mula ngayong Mayo 31, kasabay ng kasalukuyang umiiral na community quarantine.
Kaugnay nito ang patuloy na paalala na sa kabila ng unti-unting pagluwag ay ang mas maging maingat at disiplinado sana.
Kamakailan nang maiulat ang pagdagsa ang mga nagsisimba sa Baclaran Church. Kung ganito ang magiging sitwasyon pati sa ibang simbahan, hindi imposible na kumalat pa ang CIVID-19, bumalik ang mas mahigpit na lockdown at damay na naman ang lahat.
Sundin sana natin ang mga ipinatutupad na health protocols. Kung hindi natin kayang maging disiplinado, manatili na lamang sa loob ng bahay.
Bagama’t marami ang naniniwala na kahit nasaang lugar naman ay maaaring magdasal, mayroon pa ring mga nagsasabi na iba pa rin ang pakiramdam kapag nasa simbahan.
‘Ika nga nila, kung marami-rami na ang nakapupunta sa mga mall, pamilihan, restoran at establisimyentong pang-materyal na pangangailangan ang naibibigay, ganundin sana sa mga bahay-dalanginan.
At ngayong nadagdagan na ang mga puwedeng magsimba, nasa publiko naman ang obligasyon na palaging sumunod sa mga panuntunan para mapanatiling ligtas ang bawat isa.
Comments