ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | April 21, 2022
Pinayagan na ng pamahalaan ang mga unibersidad at kolehiyo na nasa mga lugar na nasa Alert Level 1 na magsagawa ng face-to-face classes sa full classroom capacity.
Subalit mga estudyanteng bakunado at may health insurance lamang ang maaaring sumali sa face-to-face classes.
☻☻☻
Umalma tayo sa requirement ng health insurance, hindi dahil tutol tayo sa layunin nito, kundi dahil dagdag lang na pasanin ito sa mahihirap na estudyante.
Ibinase ang requirement na health insurance sa Section H ng Joint Memorandum Circular No. 2021-004 ng Commission on Education at Department of Health na nagtakda ng guidelines sa implementasyon ng limited face-to-face classes para sa lahat ng programa ng higher education institutions.
Maraming magulang ang nagrereklamo dahil sa mga dagdag na documentary requirements dahil sa diumano’y maling interpretasyon sa guidelines ng pamahalaan.
Kung walang maipakitang PhilHealth, hihingan ng private health insurance, may dagdag pang duly-notarized waiver, health certificate, at certificate of indigency — at ang iba may nire-require pang negative antigen results.
☻☻☻
Nasabi na ng pamahalaan na maaari namang PhilHealth ang kunin na insurance. Kung mahigit 21 taong gulang ang estudyante, puwedeng mag-register bilang indigent. Kung mas bata naman, bilang dependent ng mga magulang o legal guardian.
Ngunit hindi na rin dapat ito kailangan dahil ayon sa Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Law, lahat ng Pilipino ay automatic members na ng National Health Insurance Program ng PhilHealth.
Ang mga proseso, dapat sinisimplehan sa halip na kinukumplika.
Ang dehado na naman kasi sa requirement na ito ay ang mga naghihirap nating kababayan, o mga working student.
Mag-aayos pa sila ng papeles, kukuha ng birth certificate at marriage certificate ng magulang sa Philippine Statistics Authority. Tapos certificate of indigency sa local government unit, pipila sa PhilHealth, gagastos ng oras at pamasahe para makapagrehistro samantalang hindi naman na kailangan dahil miyembro na sila.
☻☻☻
Sana’y pag-isipang mabuti ng pamahalaan kung tunay na kailangan pa nga ang requirement na health insurance.
At kung ipipilit, baka naman maaaring gawing requirement na ang mga HEI ang mag-ayos ng rehistrasyon ng mga estudyante, kagaya ng ginawa ng University of the Philippines nang mag-set up ito ng sariling PhilHealth kiosk para iwas-perhuwisyo sa mga mag-aaral.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments