ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 15, 2023
Patuloy ang ating panawagan sa Department of Health at sa Department of Budget and Management na bilisan na ang pagpapalabas ng mga hindi pa nababayarang Health Emergency Allowances ng ating mga healthcare workers na nagsilbi noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sila ang mga bayani natin, lalo na noong kasagsagan ng pandemya hanggang ngayon.
Hindi natin mararating ang kinalalagyan natin ngayon na patungo sa pandemic recovery kung hindi dahil sa kanila.
Marami sa ating healthcare workers ang nagkasakit, tinamaan ng virus at ang iba ay nagbuwis pa ng kanilang buhay sa pagtupad sa sinumpaang tungkulin. Bilang chair ng Senate Committee on Health, bukas ang ating tanggapan para pakinggan ang kanilang mga karaingan lalo na ang tungkol sa hindi pa nila natatanggap na benepisyo ayon sa batas. Kung kinakailangan na magpatawag tayo ng pagdinig sa Senado ay gagawin natin.
Sa ginanap namang hearing sa Senado noong nakaraang linggo ay tinanong ko ang sponsor ng budget para sa DBM kung nai-release na nila ang para sa Health Emergency Allowance. Sabi naman nila ay mayroong P23.6 bilyon na pondo mula sa budget ng gobyerno ngayong taon na kung saan ang P19.6 bilyon mula sa programmed allocation at P4 bilyon mula sa unprogrammed funds ay nai-release na rin nila para ibayad sa due na mga health emergency allowances ng ating mga medical frontliners.
Maliit na halaga lang ito kumpara sa sakripisyo na ginawa nila noong pandemya. Araw-araw ay inilalagay nila sa panganib ang kanilang sariling buhay matupad lang ang tungkulin nila sa bayan, kaya nararapat lang na sila ay mabayaran.
Matapos ideklara noong 2020 na ang COVID-19 ay isang public health emergency, nagpasa tayo ng batas bilang isa sa may akda at co-sponsor, ang Republic Act 11712, o ang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers” na nagkakaloob ng patuloy na benepisyo at allowances sa pampubliko at pribadong healthcare workers sa panahon ng public health emergency para mabigyan sila ng Health Emergency Allowance.
Sa deliberasyon pa lang ng RA 11712, noong una ay gusto nila na ang babayaran lang ay ang mga araw na nag-duty ang isang healthcare worker sa pasyenteng may COVID-19.
Pero sabi ko, masyado naman itong unfair. Ipinaliwanag ko na dapat ay flexible ang polisiya na ito dahil kapag ang healthcare workers ay pumasok sa isang ospital, exposed na agad sila sa panganib. Hindi nakikita ang kalabang virus kaya kapag nagtrabaho ang isang healthcare worker ay nasa panganib na ang kanyang buhay, regardless kung ilang oras sila nandoon sa loob ng ospital.
Pumasa ang RA 11712, pero noong July 2023 ay na-lift na ang state of public health emergency due to COVID-19. Gayunpaman, marami pang healthcare workers natin ang hindi pa rin nababayaran ang kanilang Health Emergency Allowance. Obligasyon ng ating gobyerno na mabayaran sila at dapat itong isaalang-alang palagi ng DOH at ng DBM bilang tagaimplementa ng naturang batas.
May nabalitaan din tayo na may nai-release na sa iba’t ibang parte ng bansa. Lagi tayong hihingi ng report mula sa DOH, at sa kanilang budget deliberation ay aalamin natin kung ano na ang progreso ng kanilang ibibigay na Health Emergency Allowance. Hindi kailangang magmakaawa ng ating healthcare workers para sa kanilang hindi pa natatanggap na allowances dahil benepisyo nila iyan na kanilang pinaghirapan, pinagsakripisyuhan at pinagbuwisan ng buhay. Kakampi nila tayo sa kanilang ipinaglalaban.
Samantala, tuluy-tuloy tayo sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan, bukod pa ang ibang mga gawain sa labas ng Senado.
Nagpunta tayo sa Island Garden of City of Samal noong November 11 at binisita ang ating mga sundalo na miyembro ng Task Force Samal sa kanilang headquarters sa Brgy. Peñaplata.
Matapos ito ay nag-inspeksyon tayo sa itinayong multi-purpose hall sa nasabi pa ring barangay.
Ang proyektong ito ay ating isinulong upang maisakatuparan. Bumisita rin tayo sa Barangay Limao kasama sina Mayor Al David Uy, Councilor Sonny Lanorias at Brgy. Captain Eric Obeso para sa pamamahagi ng sampung makina para sa bangka ng ilang mangingisda. Nagpapasalamat tayo sa Manila Metro Premier PH Eagles Club na nag-donate ng mga motor banca engines.
Sinaksihan din natin ang pagsisimula ng Samalenyo Cup sa nasabi pa ring barangay na inorganisa ng lokal na pamahalaan at inisponsoran ng Philippine Sports Commission.
Bilang chair ng Senate Committee on Sports, suportado natin ang ganitong grassroots program upang mailayo ang kabataan sa masasamang bisyo tulad ng ilegal na droga at i-promote ang fit and healthy lifestyle. Palagi nga nating sinasabi sa kanila, get into sports, stay away from drugs.
Noong November 12 naman ay naging panauhing pandangal tayo sa 4th Scientific Seminar ng Philippine Dental Association Inc.-Manila Dental Chapter na may temang “Synergizing Biofunctional Dentistry and Effective Communication” na ginanap sa Hotel Benilde, Malate, Manila. Kinomendahan natin ang mga dentista at suportado natin sila sa pagsusulong ng advancement ng dental profession at pagtitiyak sa oral health ng bawat Pilipino.
Nakarating naman ang aking team sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa para magkaloob ng tulong sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Natulungan natin ang 450 mahihirap na residente ng Tabuk City, Kalinga katuwang ang tanggapan ni Congressman Sonny Mangaoang. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng hiwalay na tulong mula sa gobyerno.
Maagap ding umalalay ang ating tanggapan para sa 184 residenteng naging biktima ng sunog mula sa Barangay 732 at Barangay 739 sa Malate, Manila City katuwang sina Brgy. Captain Jen Datu at Roberto Reyes.
Nagkaloob din tayo ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 180 residente ng Leon, Iloilo katuwang si Congressman Mike Gorriceta; at 205 pa sa Tuguegarao City katuwang si Board Member Charo Soriano. Ang mga benepisyaryo ay binigyan din ng Department of Labor and Employment ng pansamantalang trabaho.
Lagi kong isinusulong na madagdagan ang ating health budget at mas mapalakas pa ang ating healthcare system para laging handa tayo may dumating mang panibagong health crisis. Pero sa likod ng lahat ng ito, ipinaglalaban din natin ang kapakanan at karapatan ng ating mga bayaning healthcare workers dahil laging sila ang nasa unahan ng laban at nagsasakripisyo para mailigtas ang buhay ng mga Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
留言