ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | April 05, 2021
Sunud-sunod na araw nitong mga nakalipas na linggo ang pagsirit ng bilang ng mga tinamaan ng COVID-19.
Nakakagulat ang bilang. Mas matindi pa sa nakaraang taon.
Ang nakakabahala, mas may namamatay. Matindi ang mutation ng virus na ito. Parang isang tao, pinagkaisahan ng iba’t ibang uri ng COVID-19 virus. Napakasaklap.
Naririnig natin sa ating mga kaibigan at kakilala na nako-confine na miserable ang kalagayan ng mga ospital dahil kulang sa kuwarto, kulang sa hospital beds. Ang mga pasyente, sama-sama sa iisang tent o kaya naman, mga nakapila habang naghihintay ng kanilang pagkakataon.
Dahil d'yan, mananawagan tayo sa mga kinauukulan na kung maaari ay gawan ng paraan na maitaas ang bed capacities sa mga ospital. Kadalasan, tinatanggihan na ang mga pasyente dahil wala na talagang malugaran.
Nakakaawa ang mga pasyente na napipilitang itaboy ng mga ospital dahil wala na talagang mapaglagyan.
Nakaaalarma ang pahayag ni Dr. Jaime Almora, pangulo ng Philippine Hospital Association na umaapaw na sa pasyente ang mga ospital. Liban d'yan, kulang na rin sa mga doktor at nurse dahil pati sila nagkakasakit dahil overworked at ang ilan, tinatamaan din ng COVID.
Napakalala ng sitwasyon natin ngayon. Aminin man natin o hindi, parang tinatalo na tayo ng virus. Huwag naman nating hayaang magtuluy-tuloy ang panganib na ito.
Bilang chairman ng Senate Committee on Finance at bilang solidong suporta natin sa pagpapalakas ng ating health system sa pamamagitan ng budgetary interventions, ilang mahahalagang panukala rin ang isinusulong natin ngayon na may kaugnayan dito.
Nariyan ang Senate Bill 1850 o ang Healthcare Facility Augmentation Act.
Layunin ng panukala nating ito na magtatag ng mga ospital sa ating SUCs o state universities and colleges na may mga kursong medisina. At iniaatas na bawat ospital sa SUCs ay kailangang mayroong hindi bababa sa 50 hospital beds.
Ang mga ospital na ito ang magsisilbing training ground ng ating SUC medical students.
Isa pa kasing nakaaalarma ang resulta ng pag-aaral ng University of the Philippines na nagsasabing mayroon lamang tayong average of 3.7 doctors sa kada 10,000 Pilipino. Napakababa. Hindi ‘yan pasok sa inirerekomendang 10 doktor sa bawat 10,000 tao.
Nalaman din natin sa pag-aaral ng UP na mayroon lamang tayong 6.1 beds para sa 10,000 Pinoy. Pero sa NCR, mataas ang sinasabing bed capacity natin na may 13.5. Pero ngayon, dahil sa nangyayaring ito, pati naglalakihang ospital natin sa Metro Manila, wala na – punuan na.
Kaya, sana – panawagan natin sa mga kinauukulan, gawan natin ng paraan ang mga problemang ito sa lalong madaling panahon. Iligtas natin ang isa’t isa.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments