ni Jasmin Joy Evangelista | January 14, 2022
Nag-issue ng show cause order si Manila Mayor Isko Moreno laban sa University of the East (UE) Manila dahil sa hindi nito pagsunod na magsuspinde ng mga klase para sa week-long ‘health break’.
Inilabas ang direktiba matapos ilabas ng UE news organization na hindi sinunod ni UE president Ester Garcia ang inilabas na kautusan ng Manila City government.
“Mayors do not have authority to cancel classes at the tertiary level,” pahayag ni Garcia sa isang report mula sa UE Redwire news organization.
Sa isang Facebook live, ipinakita ni Moreno ang kopya ng show cause order at ipinaliwanag ang pagkakansela niya ng klase sa buong lungsod sa ilalim ng local government code at Commission on Higher Education (CHED) memorandum.
Nagbabala ang alkalde sa UE Manila management na kailangan nitong mag-reply sa loob lamang ng 3 araw pagkatanggap ng sulat at ipaliwanag kung bakit hindi dapat sila maisyuhan ng cease and desist order.
Aniya pa, kapag hindi sumagot ang management ng unibersidad sa ibinigay na deadline, “it shall be dealt with accordingly by the City Government of Manila, through the Bureau of Permits.”
“If it is clear for you that I don’t have authority, go find yourself a local government. You may go,” babala ni Moreno kay Garcia.
Nito lamang Huwebes nang magdeklara si Mayor Isko Moreno ng health break para sa mga estudyante at guro sa pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila mula Jan. 14 hanggang 21, 2022.
Comments