top of page
Search
BULGAR

Health benefits ng pagmumog ng tubig na may asin

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 3, 2021





Dear Doc Erwin,


Mula pagkabata ay iminulat na kami ng aming mga magulang sa kahalagahan ng pagmumog ng tubig na may asin sa araw araw at kung kami ay may sakit. Ano ba ang scientific basis at kung ang pagmumog ay may maitutulong sa aming kalusugan? – Christopher DC


Sagot


Maraming salamat Christopher sa ‘yong pagliham sa Sabi ni Doc.


Napakaganda ng iyong katanungan. Ang “gargle science” or “gargle medicine” ay matagal ng field of scientific research kung saan pinag-aaralan ang kahalagahan ng pagmumog (gargle, gargling) sa ating kalusugan at paggamit nito panlaban sa sakit.

Kamakailan, nailathala sa scientific journal ng American Society for Microbiology na Microbiology Spectrum ang resulta ng mahalagang research study sa Germany.


Pinangunahan ni Dr. Johannes Zander, pinag-aralan ng mga siyentipiko kung maaaring gamitin ang “gargle lavage” upang ma-diagnose o ma-detect kung ang tao ay infected ng SARS-CoV-2 o COVID-19 virus. Ang gargle lavage ay pagmumog ng gargle solution at pag-examine ng gargle solution na ito gamit ang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) upang malaman kung may COVID-19 ang pasyente. Lumabas sa pananaliksik nina Dr. Zander na kasing epektibo (100% congruent) ng nasopharyngeal swabbing (swab test) ang gargle lavage testing sa pag-detect ng COVID-19 virus infection.


Mahalaga ang pag-aaral nina Dr. Zander dahil mababa ang acceptance rate ng nasopharyngeal swabbing (swab test) sa ating mga kababayan dahil sa hirap, at minsan ay sakit, na nararamdaman ng indibidwal na sumasailalim dito. Kung ang gargle lavage testing ay mapapalaganap sa ating bansa ay mas maraming magpapa-test at mas magiging epektibo ang programa ng ating pamahalaan laban sa COVID-19 pandemic.


Tumungo naman tayo sa iba pang kahalagahan ng pagmumog sa ating kalusugan. Ang pagmumog ng tubig, lalo na ang may kahalong asin, ay nakagawian na sa ating bansa at matagal ng itinuturo ng ating mga ninuno. Naging practice na rin ang pagmumog ng mga ancient civilizations ng Romans, Egyptians at Chinese.


Sa Asya ay may kultura ng pagmumumog. Sa medical science journal na tinatawag na MedPageToday binanggit nina Dr. Jesse Pelletier at Dr. Terrence O’Brien ang pag-aaral na ginawa ng “The Great Cold Investigators”. Sila ay grupo ng mga doktor sa Japan na pinangunahan ni Dr. Kazunari Satomura ng Department of Public Health and International Health ng Kyoto University School of Public Health sa Kyoto, Japan. Pinag-aralan nina Dr. Satomura ang epekto ng pagmumog ng tubig at diluted povidone-iodine sa pagpigil ng upper respiratory tract infections, tulad ng sipon at ubo.


Ayon sa resulta ng pag-aaral, na randomized controlled clinical trial, na inilathala sa American Journal of Preventive Medicine noong November 2005 ay epektibo ang pagmumog ng tubig tatlong beses isang araw upang maiwasan ang upper respiratory tract infection. Ito ay libreng pamamaraan upang iwasan ang pagkakasakit.


Sa pananaliksik na inilathala sa scientific journal na Dermatology noong 2002 kung saan pinag-aralan nina Dr. Tsuyoshi Nagatake ng Department of Internal Medicine ng Institute of Tropical Medicine ng Nagasaki University sa Japan ang epekto ng pagmumog ng Povidone-Iodine ng apat o higit pang beses sa isang araw sa mga pasyenteng madalas magkaroon ng respiratory infections. Ayon sa pananaliksik, nabawasan ng malaki (mahigit sa 50 percent) ang pagkakaroon ng impeksiyon (respiratory tract infection) at paglala ng impeksiyon.


Samantala, ayon sa research study na inilabas nina Dr. Avinash Budra at inilathala sa scientific journal na Journal of Prosthodontics noong August 2020, epektibo ang povidone-iodine upang patayin ang COVID-19 sa loob ng 15-seconds. Ibig sabihin, maaaring gamitin pangmumog ang povidone-iodine upang makatulong sa paglaban sa COVID-19.


Pinag-aralan din ng mga scientists kung magiging epektibo ba itong panlaban sa COVID-19 kung gagamitin bilang pangmumog at panlinis ng ilong (nasal antiseptic). Tinatawag ang procedure ng mga health experts na “nasopharyngeal sanitation”. Ito ay paraan upang linisin ang loob ng ilong at ang lalamunan sa pamamagitan ng antiseptic tulad ng povidone-iodine.


Ayon sa pag-aaral ng grupo ni Dr. Jesse Pelletier ng Miami, Florida, na inilathala nitong April 2021 sa scientific journal na Ear Nose and Throat Journal ay epektibo ito sa pagpatay ng COVID-19 sa lalamunan at sa loob ng ating ilong. Matatandaan na ang COVID-19 ay unang kumakapit sa loob ng ilong at lalamunan kung saan ito ay nag-uumpisang dumami bago ito kumalat sa katawan. Ang paggamit ng povidone-iodine bilang panglinis ng ilong at lalamunan (nasopharyngeal sanitation) ay makatutulong upang maiwasan ang COVID-19.



 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page