top of page
Search
BULGAR

Health benefits ng intermittent fasting

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Dok | July 09, 2021




Dear Doc Erwin,


Ako ay isa sa mga regular readers ng Sabi ni Doc column, 40 years old na maybahay at kamakailan ay na-diagnose na overweight, may hypertension, at mataas na blood sugar. Pinayuhan ako na mag-intermittent fasting dahil ito raw ay nakapagpapababa ng timbang, blood pressure, at blood sugar. Totoo ba ito? – Rosalina


Sagot:


Ang fasting ay pag-iwas sa pagkain o inumin sa loob ng itinakdang panahon. Ang haba ng fasting ay karaniwang ilang oras o ilang araw. Ito ay matagal nang kaugalian, at ito ay ginagawa rin ng iba’t ibang relihiyon.


Sa Bibliya ng mga Kristiyano, may ilang uri ng fasting — tulad ng partial fasting, Daniel fasting, complete fasting, absolute fasting, sexual fasting, corporate fasting, at soul fasting kung saan umiiwas naman sa mga bagay na nakapagpapasaya sa atin tulad ng telebisyon o social media. Kung ang fasting ay ginagawa sa konteksto ng relihiyon, ito ay kasabay ng pagdarasal, pagninilay at pagbabasa ng Bibliya o Holy Book. Ito ay pagpapakita ng pagmamahal sa Dios, disiplina, at self-sacrifice.


Sa mga baguhan sa intermittent fasting, maaari silang mag-umpisa sa 12-hour fasting kung saan umiiwas sa pagkain ng 12-oras at regular na kumakain naman sa natitirang 12-oras. Karaniwang ginagawa ang fasting mula alas-7: 00 ng gabi hanggang alas-7: 00 ng umaga, at kumakain naman mula alas-7: 00 ng umaga hanggang alas-7: 00 ng gabi. Maaaring uminom ng black coffee, green tea, o tubig habang nagpa-fasting, ngunit hindi maaaring uminom ng mga softdrinks, alak o anumang matatamis na inumin. Maaaring inumin ang iyong maintenance medication habang nagpa-fasting.


Pagkatapos masubukan ang 12-hour fasting ay maaaring habaan ang oras ng fasting hanggang 16-oras. Sa 16-hour fasting or 16:8 fasting ay maaari mag-umpisa mula alas-8: 00 ng gabi pagkatapos maghapunan hanggang alas-12: 00 ng tanghali sa susunod na araw. Kakain ng regular mula alas-12: 00 ng tanghali hanggang alas-8: 00 ng gabi.


Sa iyong tanong kung ang intermittent fasting ba ay makabubuti sa iyong kalusugan, hayaan mong ibahagi ko ang ilan sa mga pag-aaral ng mga eksperto tungkol dito. Sa pag-aaral sa University of Illinois, sa Amerika na inilathala ng Journal of Nutrition and Healthy Aging noong 2018, nakitaan ng pagbaba ng timbang (pagpayat) at pagbaba ng systolic blood pressure ang mga obese individuals pagkatapos ng 12-weeks na 16-hour intermittent fasting.

Makikita sa pag-aaral na maaaring makabuti ang intermittent fasting, subalit bago mag-umpisa sa anumang uri ng intermittent fasting — kinakailangang sumangguni muna sa doktor upang malaman kung walang contraindications o hindi ipinagbabawal ang intermittent fasting sa inyo. Halimbawa, hindi advisable ang fasting sa mga may Type 1 Diabetes, umiinom ng gamot sa diabetes, buntis at sa nursing mothers. Hindi rin ito makakabuti sa mga mayroong eating disorders.




Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com




Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D

#Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page