top of page
Search
BULGAR

Health benefits ng Guyabano

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 27, 2022



Dear Doc Erwin,


Ako ay nakatira sa barangay na malayo sa siyudad, kung saan walang drugstore at malayo sa health center. Karaniwan na naming kinokonsulta ang aming albularyo tungkol sa mga pang-araw-araw na sakit. Kadalasa'y gumagamit ang aming albularyo ng iba’t ibang preparasyon ng dahon ng guyabano upang gamutin ang sugat, sakit sa balat, ubo at sipon. Ano ba ang guyabano? - Andeng



Sagot


Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc. Tungkol sa inyong unang katanungan, ayon sa Ecosystems Research and Development Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Guyabano ay isang uri ng fruit tree na karaniwang nakikita sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Ito ay tinatawag din na “soursop” o kaya ay sa scientific name nitong Annona muricata Linnaeus. Ito ay tinatawag din sa pangalang “Graviola” sa Brazil at “Guanabana” sa Español.


Makikita rin ang Guyabano sa ibang bansa, tulad ng Bahamas, Brazil, Chile, Mexico, Puerto Rico, Sri Lanka, Trinidad and Tobago at sa Virgin Islands sa bansang Amerika. Ito ay itinuturing na exotic fruit sa India, China, Nigeria, Sierra Leone, Thailand at Vietnam. Dinala ang Guyabano sa ating bansa mula sa Mexico sa pamamagitan ng Manila-Acapulco Galleon trade.


Ayon sa philippineherbalmedicine.org ang Guyabano ay mayaman sa carbohydrates, Vitamin C, Vitamin B1 at B2, potassium at fiber. Mababa ito sa saturated fat, cholesterol at sodium. Dahil ito ay masustansiya, ang hinog na Guyabano ay karaniwan ng kinakain bilang dessert. Ginagawa rin itong fruit bars, candies, shakes, ice cream, wine at guyabano fruit drink.


Bukod sa sustansyang idinudulot nito sa ating katawan, ginagamit din ito sa panggagamot bilang herbal medicine sa iba’t ibang bansa, tulad ng Brazil, Africa, Haiti, Malaysia, Trinidad and Tobago at Amerika.


Ito rin ay karaniwang ginagamit bilang herbal remedy sa paggamot sa ubo, lagnat at sa scurvy. Ang dinurog na dahon ay ginagamit sa pigsa, impeksyon ng sugat, scabies, rayuma, mga sakit sa balat, tulad ng eczema.


Ang dahon ng Guyabano ay inilalaga upang gamitin bilang pampaihi, pampaantok, pampababa ng mataas na blood pressure, pampurga, insect repellant at pamatay kuto. Ito ay ginagamit din panlaban sa anxiety attacks. Ang nilagang dahon ay nilalagyan ng asin upang ipanggamot sa mga karamdamang may kinalaman sa ating panunaw (digestive disorders) at sa fatigue.


Ang juice mula sa Guyabano fruit ay iniinom bilang herbal remedy para sa impeksyon sa ihi, pagdugo sa ihi at mga sakit sa atay.


Dumako naman tayo sa mga makabagong pag-aaral ng mga siyentipiko. Sa scientific journal na Carcinogenesis na inilathala noong 2018, sinabi ng mga siyentipiko na nakitaaan ang Guyabano ng anti-cancer, anti-inflammatory at antioxidant properties.


Ang anti-cancer activity ng Guyabano ay nakita laban sa pancreatic cancer, colon cancer, lung cancer, prostate cancer, breast cancer, head and neck cancer, lymphoma, leukemia at multiple myeloma. Ayon sa pag-aaral na nabanggit, iba’t ibang mekanismo ang ipinapakita ng Guyabano sa paglaban sa kanser.


Ang inflammation sa ating katawan ang sinasabing mekanismo o dahilan ng maraming sakit, tulad ng asthma, arthritis, Crohn’s disease, Alzheimer’s disease, sakit sa puso, diabetes, high blood pressure at cancers. Sa mga scientific studies ay nakitaan ang Guyabano ng anti-inflammatory activity, kung saan pinipigilan nito ang inflammation sa pamamagitan ng paglaban nito sa mga tinatawag na inflammatory mediators. Dahil dito ay maaaring makatulong ang Guyabano sa pagpigil o paggamot ng mga sakit na nabanggit.


Nakitaan din ng pagpapabilis ng paggaling ng sugat (wound healing properties) ang Guyabano, kung saan ang extracts galing sa dahon at tree bark ng Guyabano ay nakakapagpabilis ng apat na phases ng wound healing – coagulation, inflammation, proliferation at tissue makeover.


Kinumpirma ang mga nabanggit sa itaas na health benefits sa isang artikulo tungkol sa anticancer properties ng Guyabano na inilathala sa scientific journal na Oxidative Medicine and Cellular Longevity noong July 2018.


Dahil sa kakulangan ng espasyo ay hindi natin mababanggit ang lahat ng mga potential health benefits ng Guyabano. Gayunman, nararapat din na banggitin natin na kailangan pa ng safety studies at ang masusing pag-aaral sa toxicological profile ng Guyabano.

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page