ni GA @Sports | December 6, 2023
Mga laro bukas (Huwebes)
(Philsports Arena)
Best-of-3 Semis
4 n.h. – Creamline vs Chery Tiggo
6 n.g. – Choco Mucho vs Cignal
Kumunekta ng mahusay na atake ang Cignal HD Spikers upang matagumpay na maselyuhan ang ikatlong pwesto sa semifinals matapos madaling walisin ang kulelat na Gerflor Defenders sa straight set 25-22, 25-11, 25-10 upang pormal na kumpletuhin ang semifinal cast sa pagtatapos ng preliminary round ng 6th Premier Volleyball League (PVL) second All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagpamalas ng mahusay na pagmamando sa opensa si Gel Cayuna, habang nanguna sa atake si last conference MVP Frances Molina upang makuha ang 8-3 kartada at mahigitan sa ikatlong pwesto ang katablahang Chery Tiggo Crossovers at kaharapin ang No.2 Choco Mucho Flying Titans simula sa Huwebes, habang makakatapat ng Crossovers ang No.1 Creamline Cool Smashers.
Ipinadama ng HD Spikers ang mahusay na takbo ng opensa sa paggabay ng two-time Best Setter mula Dapitan City, Zamboanga del Norte nang mamahagi ng 16 excellent sets kasama ang 5 puntos mula sa 3 aces at tig-isang atake at block upang tulungan ang koponan na makabalik sa semis para kaharapin ang mataas na lipad ng Titans sa best-of-3 semis sa 6 p.m.
“Dami pa naming pagtatrabahuhan talaga para sa semis at du'n na kami pupukpok talaga.
Sina coach na bahala talaga, tiwala naman kami sa sistema nila,” pahayag ng 25-anyos na dating FEU Lady Tamaraws na nalampasan ang pagsubok na hatid ng Gerflor sa first set ng makipagsabayan sa atake at depensa. “Communication talaga kase parang hindi bumabagsak 'yung mga bola namin, yun ang pinag-usapan namin para mas makaangat pa sa second at third set.”
Bumida sa scoring para sa Cignal si last conference MVP Frances Molina sa 9 na puntos mula sa 8 atake.
Comments