ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 22, 2021
Ginulat ng bisitang Atlanta Hawks ang Philadelphia 76ers, 103-96, upang makuha ang Game Seven ng kanilang Eastern Conference semifinals sa pagpapatuloy ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Wells Fargo Center. Inangat ni Kevin Huerter ang kanyang galing upang makapasok ang Hawks sa East Finals laban sa naghihintay na Milwaukee Bucks simula ngayong Huwebes sa Fiserv Forum ng Bucks.
Nangyari ang inaasahang dikit na laro at walang kabang ipinasok ni Huerter ang tatlong free throw na may 54 segundong nalalabi upang dagdagan ang lamang ng Atlanta, 96-92. Sinundan ito agad ng agaw ni Danilo Gallinari at itinakbo niya ang bola para sa malakas na dunk, 98-92.
Nabantayan ng mabuti si Trae Young buong laro subalit ipinasok niya ang mga mahalagang free throw kasama ni Gallinari upang masiguro ang panalo. Nanguna si Huerter na may 27 puntos at sinundan ni Young na may 21 puntos lang matapos magtala ng 39 at 34 sa Game Five at Six ng serye.
Double-double pa rin si Joel Embiid na 31 puntos at 11 rebound at sinundan ni Tobias Harris na may 24 puntos at 14 rebound. Nasayang ang pinaghirapang kartadang 49-23 panalo-talo ng Philadelphia, ang pinakamataas sa East noong regular season.
Sa Game One ng West Finals, bumida si All-Star Devin Booker sa fourth quarter patungo sa isang triple double at wagi ang Phoenix Suns sa bisitang Los Angeles Clippers, 120-114. Maghaharap muli ang dalawang koponan sa Game Two ngayong Miyerkules sa Phoenix Suns Arena ulit.
Hindi na nakapuntos ang Clippers at nagdagdag ng dalawa pang free throw si Booker sa huling apat na segundo para magtapos na may 11 ng kanyang 40 puntos sa fourth quarter na may kasamang 13 rebound at 11 assist upang takpan ang pagliban ng kanilang beterano Chris Paul bunga ng COVID-19 protocol. Nanguna sa Clippers sina Paul George na may 34 at Reggie Jackson na may 24 at hindi naglaro si Kawhi Leonard dahil napilay ang tuhod sa West semis kontra Utah Jazz.
Comments