ni GA @Sports | September 14, 2023
Hindi naiwasang maglabas ng sama ng loob si dating World champion Ricky “The Hitman” Hatton patungkol sa kanyang dating head trainer na si Floyd Mayweather Sr. matapos akusahan nitong nagkamali sa pagbibigay ng tamang paghahanda kontra kay Filipino boxing legend Manny “Pacman” Pacquiao na nauwi sa mabilis na second round knockout noong 2009.
Masama ang loob ng 44-anyos mula Stockport, Greater Manchester, England ng hindi umano umangkop ang ibinigay na training ni Mayweather Sr. dahil mas lalo itong nalubog sa hukay, kung saan inilahad niyang pinatumba siya ng kanyang sparring partner.
“It seems to me that Floyd Sr. just drove me into the ground then with his training. Eight weeks before the fight, I felt fantastic, but he drilled me and drilled me, round after round after round,” pahayag ni Hatton sa SunSport. “Then two or three weeks before the fight my sparring partner, one of them knocked me on my a**. I thought, this ain’t right.”
Nadagdagan pa umano ang sama ng loob nito ng hindi man lang siya inihanda nito sa isang southpaw boxer na kinakailangan niyang mapag-aralan dahil sa stance na mayroon si Pacquiao. Maging sa pagtuntong niya ng Las Vegas, para sa kanilang laban sa MGM Grand Garden Arena noong Mayo 2, walang ginawang hakbang si Mayweather Sr. upang sumuntok ito sa kaliwang posisyon.
Tinapik nito si Mayweather Sr. upang palitan ang dating coach na si Billy Graham matapos mabigo sa anak nitong si “The Money” Floyd Mayweather Jr. noong 2007. Nasundan ito ng dalawang panalo laban kina Juan Lozcano at Paulie Malignaggi para sa IBO at The Ring welterweight titles, subalit mas paniguradong mararamdaman nito ang matinding pagsubok laban kay Pacman na nasa 30-anyos pa lamang.
Yorumlar