ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 25, 2022
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, naramdaman natin ang bugbog na idinulot sa ating health system ng pandemya mula nang tumama ito noong 2020. Wala tayong ibang hinahangad noon kundi ang matapos na ang krisis at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay. Kaya naman ngayon, labis tayong natutuwa na patuloy ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.
Bumababa na rin ang bilang ng severe and critical cases na naoospital.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health, 12 hanggang 15 porsiyento na lang ng national hospital admissions ang malubha at kritikal. Patunay ito na epektibo ang COVID-19 vaccines at mga ipinatutupad na mga health protocols laban sa virus. Kaya naman, patuloy ang ating apela na sana ay magpabakuna na.
As of February 22, nasa 62.77 milyong kababayan natin ang fully vaccinated na.
Kumakatawan ito sa 69% ng target na 90 milyong Pilipino na mabakunahan bago matapos ang June 2022.
Meron namang 9.86 milyong kababayan natin ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Kabilang naman sa target ng National Task Force Against COVID-19 ang makapagbigay ng 72.16 million booster shots para sa adult population (18 years old and above) at mabakunahan ang nalalabi pang tatlong milyon na senior citizens at may comorbidities.
Para maisagawa ito, umaapela tayo sa gobyerno na palawakin pa ang pagbabakuna sa mga pharmacies at medical clinics. Sikapin ding magtalaga ng vaccination sites at araw ng pagbabakuna para sa boosters shots. Patuloy din dapat na palakasin ng pamahalaan ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa importansiya ng booster shot para sa pangmatagalan at dagdag-proteksiyon sa komunidad laban sa COVID-19.
Kahit kung minsan ay para na tayong sirang-plaka na paulit-ulit, hindi tayo napapagod sa pagpapaalala na ang bakuna ang tanging solusyon laban sa pandemya at susi upang malampasan ang krisis. Nakikita naman natin ang magandang resulta.
Para sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at sektor ng ating lipunan, hinihiling natin na aktibo tayong makilahok sa isinasagawang vaccine rollout. Ngayong unti-unti na tayong nagbubukas ng ekonomiya, dapat mas maraming manggagawa ang mabakunahan para ligtas sila sa pagbabalik-trabaho, gayundin ang mga estudyante para ligtas na makapagdaos ng face-to-face classes.
Hinihikayat din natin ang mga local government units na lalong pasiglahin ang kanilang ginagawang mobile and house-to-house vaccination efforts. Kung kakayanin ay tayo na mismo ang sumundo at maghatid sa mga walang kakayahang magpunta sa vaccination sites.
At tulad ng ating pangakong 24/7 na serbisyo, patuloy ang ating tanggapan sa pagkakaloob ng tulong at suporta sa mga nangangailangan katuwang ang ilang ahensiya ng pamahalaan.
Noong Pebrero 19, nagpadala tayo ng tulong para sa 308 benepisaryo mula sa Getafe, Bohol; at sa mga biktima ng sunog tulad ng 709 na residente ng Cavite City; 30 pamilya sa Tondo, Maynila; 276 na pamilya sa Bgy. Nangka, Marikina City, at 30 pamilya sa Bgy. 121 Zone 6 District 1 Tondo, Maynila.
Pebrero 22, nag-abot tayo ng tulong sa nasunugan tulad ng 99 na pamilya sa Kinasang-an, Cebu City; 94 na pamilya sa Barangay Tisa, Cebu City, at isang pamilya sa Brgy. Buhisan, Cebu City.
Pebrero 23, nakatanggap ng ayuda mula sa ating tanggapan ang 1,662 na residente ng San Juan City; 947 mula sa Pagsanjan, Laguna; 120 mula sa Floridablanca, Pampanga; at mga nasunugan gaya ng 67 pamilya mula sa Brgy. Capitol Site, Cebu City; at 178 na pamilya mula sa Basak, San Nicolas, Cebu City.
Patuloy tayong magkaisa at magbayanihan tungo sa mas komportable at ligtas na kinabukasan para sa buong sambayanang Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments