top of page
Search
BULGAR

Hasain sa artificial intelligence ang mga kabataan

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 18, 2021



Magandang balita ang panukalang pagkakaroon ng National Center for AI Research (N-CAIR) sa ilalim ng inilunsad na artificial intelligence (AI) roadmap ng bansa. Upang masuportahan ang kahandaan ng bansa sa pagsulong ng artificial intelligence, isinusulong ng inyong lingkod na hasain ang kakayahan ng mga mag-aaral sa senior high school para sa Fourth Industrial Revolution o ang tinatawag na Industry 4.0.


Ayon kay Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, ang panukalang N-CAIR na pamumunuan ng pribadong sektor ay magsusulong sa pananaliksik at pagdami ng mga eksperto pagdating sa AI at data science.


Base sa estima noong 2020 ng mga research firm na EDBI at Kearney, tinatayang aabot sa isang trilyong dolyar ang itataas ng gross domestic product (GDP) ng Southeast Asia sa 2030 dahil sa AI. Sa Pilipinas, inaasahan namang 12 porsiyento o katumbas ng 92 bilyong dolyar ang itataas ng GDP dahil sa AI. Inaasahang halos 50 porsiyento ng mga trabaho sa bansa ay magiging automated, ayon naman sa worldwide management consulting firm na McKinsey & Company noong 2017.


Dapat tiyakin ng sektor ng edukasyon sa bansa, kabilang ang sistema ng basic education, na ang mga kasanayang nakukuha ng mga mag-aaral ay magiging angkop sa inaasahang pag-angat ng AI sa bansa. Maliban sa pagkakaroon ng angkop na kurikulum na kasalukuyang nirerepaso ng Department of Education (DepEd), nais bigyang-diin ng inyong lingkod na dapat ihanda rin ang mga guro para magkaroon sila ng competency pagdating sa pagtuturo ng AI.


Mahalaga rin ang pagkakaroon ng imprastruktura sa mga pampublikong paaralan upang maging epektibo ang pagsulong ng AI sa bansa. Malaki ang magiging papel dito ng Public Education Network (PEN) na balak buuin ng DepEd at ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Kung ating matatandaan, nagkaroon ng kasunduan ang dalawang ahensiya noong Abril sa pagbuo ng PEN para pabilisin ang pagkakaroon ng digital connectivity sa mga pampublikong paaralan.


Dahil sa inaasahang papel ng artificial intelligence sa pag-unlad ng ating bansa, kailangang siguruhin natin na ang kakayahan ng mga kabataang mag-aaral ay tugma sa mga pangangailangan ng ating bansa para sa hinaharap. Mahalagang simulan natin ang paghahandang ito sa antas pa lamang ng senior high school upang maging matibay at malalim ang pundasyon ng kanilang kaalaman at kakayahan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page