top of page
Search
BULGAR

Harden, napilay, pero Nets, alagwa sa GAME 1

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 07, 2021




Ipinamalas ng Brooklyn Nets ang lalim ng koponan upang manalo sa Game 1 ng Eastern Conference semifinals laban sa bisitang Milwaukee Bucks, 115-107, sa NBA Playoffs kahapon mula sa Barclays Center. Inangat ng buong koponan ang kanilang galing upang takpan ang biglang pagkawala ni James Harden matapos ang unang 43 segundo dahil napilay sa hita.


Umabot ang lamang na 19 sa 4th quarter, 115-96, matapos ang tres ni Joe Harris. Sapat na ito kahit hindi na pumuntos ang Nets sa nalalabing 3:43 at binuhos ng Bucks ang 11 sunod-sunod na puntos para bawasan ang agwat. Ginamit ng Milwaukee ang pagkawala ni Harden upang lumamang 20-11, subalit mula roon ay unti-unting lumapit at tuluyang lumayo ang Brooklyn sa likod nina Kevin Durant na may 29 puntos at 10 rebound at Kyrie Irving na may 25 puntos. Malaking bagay din ang kontribusyon nina Harris na may 19 puntos galing sa limang tres at Blake Griffin na may 18 puntos at 14 rebound.


Nanguna sa Bucks si MVP Giannis Antetokounmpo sa 34 puntos at 11 rebounds at sinundan ni Brook Lopez na may 19 puntos. Susuriin ang pilay ni Harden at titingnan kung makalalaro siya sa Game 2 ngayong Martes sa Barclays pa rin.


Magbubukas ngayong araw ang kabilang serye sa East semis sa pagitan ng numero unong Philadelphia 76ers kontra sa bisitang Atlanta Hawks simula 1:00 ng madaling araw. Paborito ang 76ers subalit nakasalalay ang tagumpay sa kalagayan ng tuhod ni Joel Embiid na napilay sa gitna ng serye laban sa Washington Wizards kung saan nagwagi ang 76ers, 4-1.


Malalaman din ang huling koponan sa Western Conference semis sa pagdalaw ng Dallas Mavericks sa Los Angeles Clippers simula 3:30 ng umaga. Tabla ang serye sa 3-3 kung saan ang bisitang koponan ang laging nananalo.


Samantala, tatlong team ang tiyak na magkakaroon ng bagong coach sa susunod na NBA. Hiwalay na ibinalita na hindi babalik sina Coach Steve Clifford sa Orlando Magic at Coach Terry Stotts sa Portland Trail Blazers habang inakyat bilang Presidente ng Boston Celtics si Coach Brad Stevens kapalit ng nag-retiro na si Coach Danny Ainge.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page